Inter-cities at municipalities chessfest sisimulan sa Marso

Gaganapin ang national inter-cities and municipalities chess team championship, ang kauna-unahang major tournament ngayong taon sa ilalim ng pangangasiwa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa Mandaluyong City sa Marso 3-8 sa Kaban ng Hiyas Building, City Hall ng Mandaluyong.

Ang ngayong taong edisyon ng annual event na ito ay iho-host ng city government ng Mandaluyong sa pangunguna ni Mayor Ben Abalos.

Nakataya sa 9-round Swiss System competition na ito ang kabuuang P160,000 na ang magkakampeon ay tatanggap ng P50,000. Ang iba pang premyo ay P30,000 sa runner-up, at P20,000, P10,000, P8,000, P6,000, P5,000 mula sa 3rd hanggang 7th places at pagkakalooban naman ng tig-P4,000 ang 8th hanggang 10th places.

Ang individual board winners (1-5) ay mag-uuwi ng tig-P3,000 at ang best muse sa mga kalahok na koponan ay bibigyan naman ng P3,000 at tropeo. Ito ay bukas para sa lahat ng siyudad at munisipalidad sa bansa na ang bawat team ay kinabibilangan ng dalawang tituladong players at tatlong non-masters sa kani-kanilang line-up.

Ang sinumang interesadong partido na ibig magkaroon ng kopya ng imbitasyon para sa naturang chessfest ay maaaring tumawag sa NCFP office tel. nos. 4142302 at 9293588 at hanapin si Willy Abalos (tournament director) o kaya’y si international arbiter Gene Poliarco.

Show comments