Iniulat na lumagda ng limang taong kontrata si Marlou Aquino sa Sta. Lucia kahapon na nagkakahalaga ng P30-milyon bukod pa sa mga bonuses.
Matatandaang pinagbalakang sulutin ng Tanduay Gold Rhum si Aquino mula sa Realtors sa pamamagitan ng offer sheet.
Bukod kay Aquino ay inasam din ng Rhum Masters ang 2000 MVP na si Danny Ildefonso ngunit ayon sa isang impormante ay hindi na ito ipinarating pa ng Tanduay.
Napabalitang handang alukin ng Tanduay ng P72 milyong 12 taong kontrata si Aquino at P90 milyon para sa 15 taon si Ildefonso.
Noong nakaraang taon, bago magsimula ang season, ipinahayag ni Aquino ang kanyang kagustuhang maglaro para sa expansion team na Batang Red Bull.
Ngunit kinailangan nitong maglaro ng isang taon sa Realtors na siyang may-rights kay Aquino.
Nakuha ng Sta. Lucia si Aquino sa isang pakikipag-trade sa Barangay Ginebra kapalit ni Jun Limpot.
Sa iba pang balita, hindi pa rin lumalagda ng kontrata si Kenneth Duremdes sa Alaska Aces dahil sa ilang maliliit na detalye sa kanyang P42-milyong kontrata sa loob ng 7-taon.
Hindi nagkasundo ang magkabilang kampo sa dalawang clauses na nakasaad sa kontrata ni Duremdes.
Samantala, nakatakda ang deadline ng mga Fil-American applicant para sa Annual draft ng PBA.
Maraming aplikante sa drafting ang manggagaling sa Metropolitan Basketball association at marami dito ay mayroon pang kontrata sa kani-kanilang mga mother teams.