Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang Cecilio Pedro-owned franchise ay makatapak sa semis simula ng magbalik sa PBL noong nakaraang taon, kung sakaling sila ay mananalo sa Jewelers sa alas-2 ng hapong sultada.
Malaki ang kanilang tsansa na maulit ang kanilang naitalang 51-46 upset kontra sa Jewelers na kanilang tinalo ng una silang magharap noong Dec. 7.
" I told the boys that the semis is now within our reach so I ask them to give all in this game. Sayang naman ang pinagpaguran namin sa past games if we just let this chance slip off our hands," wika ni Hapee coach Stevenson Tiu na muling aasa sa mga balikat nina Mark Saquilayan, Tommy Nordell, Eugene Bantugan, Francis Mercado at Alwin Espiritu.
"Maganda naman ang respond ng mga bata. We want to bounce back from that 55-50 loss from Shark. Moreover, determinado ang mga bata na makapasok talaga sa semis," dagdag pa niya.
Ngunit di pa rin nakakasiguro ang Hapee dahil siguradong may panibagong taktika si Montana coach Leo Isaac upang dominahin ang boards at ito ay siguradong nakasentro sa mga balikat naman ng twin tower na si Ricky Calimag at Gilbert Lao, habang siguradong maglalaban naman ng eksplosibong opensa sina Jacques Gottenbos, Wowie Ybañez at Orly Torrente.
Samantala sa ikalawang laro, sisikapin naman ng defending champion Welcoat Paints na maipinta ang kanilang ika-7 sunod na panalo kontra sa Blu Sun Power sa kanilang pang-alas-4 ng hapong upakan.