Semis slot ipipinta ng Welcoat

Tangka ng defending champion Welcoat Paints na makasiguro ng semifinals slot sa kanilang pakikipagharap sa Ana Freezers ngayon sa pagpapatuloy ng eliminations ng 2000 PBL Challenge Cup sa Makati Coliseum.

Ang tagumpay ng Paint Masters sa alas-2:00 ng hapong pakikipagsagupa sa Freezers Kings ang magkakaloob sa kanila ng ikatlong semifinals slot.

Nakakasiguro na ang Shark Energy Drink na may 7-2 record at Montana Jewels na may 6-3 kartada na siyang sinusundan ng Welcoat sa kanilang taglay na 5-3 panalo-talo tulad ng Blu Sun Power.

Sa ikalawang laro, magsasagupa naman ang Hapee Toothpaste at ang Shark Energy Drinks sa dakong alas-4:00 ng hapon.

Ang Hapee at Ana ay kapwa nag-iingat ng 4-4 win-loss slate at ang kanilang tagumpay ay magkakaloob sa kanila ng ticket para sa play-off ng huling slot sa 6-team carry-over semis round.

Inaasahang muling pangungunahan ng 6-foot-7 na si Yancy De Ocampo ang Paint Masters katulong sina Jojo Manalo, Renren Ritualo at Allen Patrimonio.

Dahil nananatiling di maaasahan si Celino Cruz na suspendido ng tatlong laro, inaasahang mapupunan ito nina Anton Villoria at Eugene Tan.

Naririyan naman sina Rey Mendez, Buboy Rodriguez katulong sina Marvin Ortiguerra, Roland Pascual, Ariel Capus at Ronald Tubid.

Hangad ng Teeth Sparklers na makabangon sa kanilang nalasap na 56-68 pagkatalo kontra sa Power Boosters at ang kanilang tagumpay ay lulukob na rin sa 58-68 kabiguan kontra sa Blu.

Galing naman ang Shark sa 62-55 panalo kontra sa Montana noong Huwebes.

Show comments