At malaki ang posibilidad na muling magbalik si Hawkins sa dati niyang koponang Sta. Lucia Realty--ang koponan kung saan lumaro siya ng 21 games noong 1993.
Ayon sa isang source, kasalukuyan nang nag-uusap ang Milkmen at Realtors hinggil sa nasabing deal kung saan si Hawkins ay ipamimigay ng Alaska sa Sta. Lucia kapalit ng Fil-American na si Rob Wainwright at ang second round pick sa hinaharap.
Sa naturang usapin, nakakasiguro na ang Sta. Lucia na mapupunta sa kanila si Hawkins dahil kakailanganin nila ng isang lehitimong superstar. Pero kung ang nasabing cager ay hihiling ng maximum na buwanang suweldo na P500,000, hindi na ito kakagatin ng Realtors.
Ito ay dahil sa kasalukuyan, abala pa ang Sta. Lucia sa pakikipag-negosasyon sa 6-9 na si Marlou Aquino na ang kontrata ay mapapaso ngayong Dec. 31. Sa kabila nito, walang magaganap na pagtaas sa buwanang sahod ni Aquino dahil siya ay tumatanggap na ng maximum na P500,000. Pero payag daw itong muling pumirma sa Sta. Lucia kung ang kontrata ng kanyang frontcourt partner na si Dennis Espino ay muling irerenegotiate.
Si Espino, na ang kontrata ay mapapaso sa Disyembre 31, 2001 ay maaaring humiling ng kaparehong maximum na sahod na P500,000 bawat buwan. Kung mangyayari ito, ang pagkuha ng ikatlong player na may buwanang maximum take home pay ay magpapagulo sa salary cap ng Sta. Lucia.
Unang lumaro si Hawkins sa Presto Tivoli noong 1991 ay hinugot ng Sta. Lucia Realty na siyang bumili sa prangkisa ng Gokongwei noong 1993. At sa kanyang 21 games na inilaro sa Realtors ng nasabing season, ito ay nagtala ng averaged na 15.2 points, 7.48 rebounds, 2.76 assists, 0.67 steals at 0.81 blocked shots.
At sa kalagitnaan ng nabanggit na season, si Hawkins ay ipinamigay naman ng Realtors sa Alaska Aces kapalit naman ni Paul Alvarez.
Samantala, aabot sa 49 manlalaro na ang mga kontrata ay mapapaso ngayong katapusan ng buwan.
At kabilang dito ang anim na key players ng San Miguel.