Ito ang siniguro ng Filipina ace na si Arianne Bo Caoilli na nakabawi sa kanyang laro upang maprotektahan ang kanyang kalahating puntos na kalamangan, habang nananatiling matatag sa kanyang kapit sa liderato si Sander Severino makaraan ang ikapitong round ng Asian Continental Under-16 Chess Championships sa Napocor Training Center dito noong Lunes.
Hawak ang mga puting piyesa, ipinoste ni Caoilli ang kanyang ikaanim na puntos nang kanyang igupo ang Mongolias na si Enkhbaatar Enkhjargal sa 36 moves ng Queens Gambit Declined.
Ang panalong ito ng 13-anyos Fil-Australian ang tumabon sa kanyang pagkatalo sa ikaanim na round sa mga kamay ng Vietnamese Woman FIDE Master Le Thanh Tu na pumapangalawa na may 5.5 puntos sa chessfest na ito na hatid ng Pik-Nik Premium Snack Foods.
Tinalo naman ni Severino ang kalabang si Roderick Nava sa 54 sulungan ng Sicilian Defense upang itala ang kabuuang 6 puntos.
Ngunit ang araw ay para kay National Master Oliver Barbosa na nagposte ng isang malaking panalo matapos na tanghaling kauna-unahang Filipino na pumigil sa top seed na si Susanto Megaranto (ELO 2254).
Hinatak ng kasalukuyang Asean U-16 champion na si Barbosa ang 59 moves na panalo sa isang CaroKann para sa kanyang 5.5 puntos at solong okupahan ang ikalawang puwesto.