Severino naka-draw, Caoilli talo

BAGAC, Bataan--Hindi naging maganda ang gabi nina Sander Severino at Arianne Bo Caoilli makaraang humulagpos sa kanilang mga kamay ang inaasintang panalo noong Linggo.

Sinupil ng Indonesian National Master Susanto Megaranto ang pananalasa ni Severino, habang hindi naman nakayanan ni Caoilli ang inilatag na hamon ng kapwa niya Woman FIDE Master na si Le Thanh Tu sa ikaanim na round ng Asian Continental Under-16 Chess Championships na ginaganap sa Napocor Training Center.

May tsansa sana si Severino na maitakas ang panalo, ngunit hindi naging maganda ang kanyang sulong sa kaagahan ng laro kung kaya’t nakipagkasundo na lamang ito na makipaghatian ng puntos makaraan ang 45 sulungan ng Center-Counter kontra Megaranto.

"I did not expect that I would still be able to half the point with Megaranto since he had the space advantage. My immediate goal was to equalize the game because I was handling the black pieces," wika ni Severino na sa kabila ng kanyang talo ay napanatili pa rin nito ang kapit sa pamu-muno sa kanyang 5 puntos.

Sanhi ng nararamdamang pagod sa ilang palitan ng sulu-ngan ng mga piyesa sa kalagitnaan ng laro, napuwersa ang 13-anyos na si Caoilli na mag-resign may dalawang segundo pa ang nalalabi sa oras sa unang time control.

Gayunman, napanatili pa rin ni Caoilli ang kanyang kalamangan sanhi ng limang puntos na natipon at pumangalawa si Le na may 4.5 puntos sa women’s division ng event na ito.

Sa iba pang laro, nanaig din si Kimberly Jane Cunanan kay Loreshy Cuizon sa 63 moves ng Stonewall variation, habang namayani naman si Zayrah dela Cruz sa top seed na si Dinara Tuitebayeva sa 69 moves ng King’s Indian Defense.

Show comments