Playoff sa semis asam ng Montana

Hangad ng Montana Jewels na makatiyak ng playoff para sa huling semifinals berth ng kasalukuyang 2nd PBL Challenge Cup na ginaganap sa Makati Coliseum.

Ikaanim na panalo ang sisikaping maisukbit ng Jewelers sa kanilang pakikipagharap sa Ateneo-Pioneer Insurance sa pambungad na laban sa ganap na alas-2 ng hapon.

Kasalukuyang nasa ikalawang posisyon ang Montana taglay ang 5-2 win-loss slate sa likuran ng kasalukuyang leader na Shark Energy Drinks na nakakasiguro na ng playoff para sa huling slot ng 6-team carry-over semis round.

Buhat sa dalawang dikit na talo, mataas na ang morale ngayon ng Jewelers nang kanilang itala ang 60-46 pamamayani laban sa Pharma Quick kamakalawa na siyang magbibigay sa kanila ng inspirasyon ngayon.

"Basically, collegiate team ‘yan, so we’re anticipating speed and intensity to play a big part in the game. Ganoon pa rin naman ang strategy against Ateneo-Pioneer," wika ni Montana coach Leo Isaac kung saan ito ay sasandig sa mga balikat nina Jacquez Gottenbos, Gilbert Lao, Jenkins Mesina, Ernest Medina at Orly Torrente.

Ang huling panalo ng Montana ang magiging muli nilang inspirasyon sa kanilang nakatakdang laban ngayon.

"We’ve made the necessary corrections, and hopefully mawala na yung stigma ng dalawang talo. I told the boys not to linger on those setbacks but rather learn from a 64-55 rousing victory over Hapee Toothpaste and is eyeing Montana as it next victim," dagdag pa ni Isaac.

Galing din sa panalo ang Ateneo-Pioneer laban sa Hapee Toothpaste noong Sabado, 64-55 na nagpaganda ng kanilang record sa 3-4 win-loss slate.

Sa ikalawang laro, magkukrus naman ang landas ng Teeth Sparklers at Pharma Quick sa dakong alas-4 ng hapon.

Kapwa galing sa talo ang Hapee at Pharma Quick at ito ang kanilang pagsisikapang ibaon sa limot sa pamamagitan ng kanilang tagumpay ngayon.

Obligado nang ipanalo ng Pharma Quick ang kanilang huling tatlong nalalabing laro kabilang ang laban ngayon upang manatili sa kontensiyon.

Nanganganib na mapatalsik sa kontensiyon ang Pharma Quick matapos malasap ang kanilang ikaanim na pagkatalo sa loob ng pitong pakikipaglaban.

Show comments