Makakasagupa ng Rhummasters ang Purefoods T.J. Hotdogs na naghahangad namang makasiguro ng playoff para sa huling quarterfinals berth.
Bagong import naman ang ipaparada ng Sta. Lucia Realty sa kanilang pakikipagsagupa sa defending champion San Miguel Beer na naghahangad namang makapagtala ng ikatlong sunod na panalo.
Unang isasalang ang sagupaang Purefoods at Tanduay sa ganap na alas-5:15 ng hapon at agad isusunod ang laba-nan sa pagitan ng San Miguel at ng Sta. Lucia sa dakong alas-7:30 ng gabi.
Ang Rhummasters ay nag-iingat ng 4-2 panalo-talo katabla ang Alaska Aces sa likod ng quarterfinalist nang Batang Red Bull at Mobiline Phone Pals na parehong may 5-1 kartada sanhi ng kani-lang pagtatabla sa pangkalahatang liderato.
Tiyak na isasalang ngayon ng Sta. Lucia ang kanilang bagong reinforcement na si Isaac Fontaine na papalit sa puwesto ni Joe Temple.
Si Fontaine ang inaasahang mag-aahon sa Realtors mula sa dalawang sunod na talo at agad na masusukatan ito ni Lamont Strothers na mangunguna naman sa kampanya ng Beermen.
Hangad ng Beermen na dugtungan ang kanilang back-to-back na panalo, kayat kailangan ang ibayong suporta nina Olsen Racela, Danny Seigle, Danny Ildefonso, Boybits Victoria at iba pa.
Magkakasubukan naman ng lakas sina import Derick Brown ng Purefoods at Maurice Bell ng Tanduay sa unang laro.
Mataas ang morale ng Rhummasters na haharap sa T.J. Hotdogs dahil galing ito sa apat na sunod na panalo at ang kanilang tagumpay ngayon ang magluluklok sa kanila sa 8-team quarterfinal round.
Sa quarterfinals, ang no.1 ay haharap sa no. 8, no. 2 vs no. 7, no. 3 laban sa no. 6, no. 4 kontra sa no. 5 kung saan ang top four ay may bentaheng twice-to-beat.(Ulat ni Carmela Ochoa)