Matapos ang siyam na taong pagtatangka, nakuha na rin ng 35-anyos na si Ronillo Sandinao ang kanyang kauna-unahang biyahe patungo sa national finals sa darating na Disyembre nang kanyang talunin ang matagal ng karibal na si Simon Bolivar na inatake ng pananakit ng sikmura sa huling kilometro na siyang dahilan ng kanyang panalo matapos na tawirin ang finish line sa tiyempong 32 minutos at 38 segundo.
" Pinagtiyagaan kong habulin siya at nung nakita kong nag-slow down siya sa last one kilometer doon na ako bumanat," ani Sandinao na nagtatrabaho sa FCI-ESAP Syklang Banana Plantation sa Laric Isulang Sumalao, Bukidnon.
Ang tagumpay na ito ni Sandinao ang siyang tumapos sa kanyang pagiging anino ni Bolivar na nagtala ng oras na 32:47. Gayunman sina Sandinao at Bolivar ay kapwa nakapasok na para sa 42K national finals na nakatakda sa Manila sa Dec. 10.
Pumangatlo naman ang first timer na si Frank Tolentino na may 33:58 upang makasama nina Sandinao at Bolivar sa Manila trip.
Tuluyan na ring nakapasok ang 18-anyos na si Ellen Tolentino na natanggalan ng korona noong nakaraang taon nang dominahin niya ang womens division sa tiyempong 41:01 at muling agawin ang nawalang titulo nang ito ay 17-anyos pa lamang.
"Last year talagang masama ang loob ko dahil na-disqualify ako pero halos nakalimutan ko na yun, ngayon pagsisikapan ko nang kunin ang titulo," wika naman ni Tolentino.
Kasama ni Tolentino na nakakuha ng slots sa national final ay sina Cecile Topia at Jessie Saragay na tumapos ng ikalawa at ikatlong puwesto sa tiyempong 43:13 at 44:42, ayon sa pagkakasunod.
Ngunit si Topia ay papalitan ng Avon regional champion na si Lorna Tolentino na tumapos ng ikaapat na posisyon sa dahilang ang una ay 14-anyos pa lamang at hindi pa kuwalipikado para umentra sa finals.