Blu Detergent dapat bantayan sa PBL Challenge

Bagamat walang malalaking stars, inaasahan pa rin na ang Blu Detergent ang isa sa mga koponan na dapat matyagan sa pagbubukas ng 2000 PBL Challenge sa Sabado, Nov. 4 sa Makati Coliseum.

Sa dahilang ipaparada ng Detergent Kings ang intact pa rin nilang line-up na pangungunahan nina Egay Billones, Mel Crisostomo, Edwin Bacani, Arnold Calo at Francis Sanz.

At higit pang pinalakas ni coach Nat Canson ang kanyang line-up sa paghugot sa beteranong point guard na si Jun Canoneo, Marlon Kalaw at ang tatlong manlalaro mula sa Manila Hawks--sina Marlon Legaspi, ang 6’6 na si Roger Daliva at ang 6’4 power forward na si Michael Tolentino.

Kukumpleto sa koponan ang three-point shooter na si Eric dela Cuesta, William Marasigan, Joel Bona, Noel David at Armie Canoza.

"This is a better line-up than last conference. Mas experienced mas talented. We don’t have much stars like other team, pero itong line-up na ito eh hindi kaagad bumibigay sa pressure games," paliwanag ni Canson.

Inamin din ni Canson na wala siyang dominanteng malaking manlalaro, ngunit umaasa siya na matutugunan nila ito sa pamamagitan ng kanilang bilis, depensa at karanasan.

Bilang pagpapatunay, nakopo ng Detergent Kings, na tumapos ng ikatlong puwesto sa nakaraang kumperensiya ang unang puwesto sa Athletes Haven Cup sa Baguio kung saan kanilang ginapi ang malalaki at matalentong koponan ang three-peat champion Welcoat Paints.

" It was a big morale boosting victory for us. Napatunayan nila sa sarili nila na kaya rin pala nilang pumasok sa finals. With that papasok kami na confident ang team," dagdag pa ni Canson.

" Walang stars, because my emphasis is on teamwork. We’re working on it. I don’t expect the new recruits to shine on the first few games but I’m sure they’ll improve as the conference goes on," ani pa ni Canson.

At dahil sa pag-entra ng La Salle-Osaka Iridologist at ng Ateneo-Pioneer Insurance at ang ginawang build-up ng iba pang mga koponan, inaasahan na ni Canson na magiging mahigpitan ang labanan ngayong taong ito.

" Malalakas ang mga teams this conference, even the new ones. This will be the toughes ever. Our target is to get into the semifinals. We’ll take it step by step, on a per game basis," pagtatapos ni Canson.

Show comments