Tumapos si Paragua ng limang puntos at anim na draws sa 11 rounds na paglalaro upang tumapos ng kabuuang walong puntos, ang nasabi ring total output ng Russian na si Denis Khismatoullin. Kinuha naman ng top seed na si IM Zviad Izoria ng Georgia ang mataas na karangalan sa kanyang nalikom na 9.5 puntos. May kabuuang 85 batang chessers ang lumahok sa kompetisyon na ito sa Under-16 section.
Ginamit ni Paragua, ang 1998 world under-14 rapid champion at third seeded dito na may elo rating na 2423 ang kanyang paboritong Hungarian variation ng Sicilian Defense nang kanyang igupo si Maximov.
"I am very happy with this win. I hope it will inspire the youth in our country," wika ni Paragua sa ipinadalang faxed message sa Active Chess Center of Asia (ACCA) sa Makati City.
Si Paragua ang kauna-unahang Filipino na nakapasok sa top three sa prestihiyosong annual youth event na ito.
At sa penultimate round, nanalo si Paragua kontra Mohamed Haddouche, miyembro ng Algerias national team sa nalalapit na World Chess Olympiad sa Istanbul, Turkey. Susunod na laban ni Paragua ay ang Bastia Rapid tournament sa France.