Rubber match ng Gems at Megavoltz sa MBA itinakda

Naglabas ng intensibong opensa sina Matthew Mitchell at Stephen Padilla upang muling dalhin ang serye ng MBA Southern Conference playoffs sa Cebu City para sa panibagong rubber match ngayong Miyerkules makaraang igupo ng Gems ang Iloilo Megavoltz, 91-86 kahapon sa Mail & More, San Andres Sports Complex.

Pinagtulungan nina Mitchell at Padilla na iligtas ang kampanya ng Gems na natalo sa Game One ng kanilang best-of-three series ng Megavoltz sa Iloilo City sa huling dalawang minuto ng labanan nang kumana ng krusiyal na basket upang itabla ang serye sa 1-1.

Isang follow-up ni Mitchell ang nagdala sa Gems sa 87-83 kalama-ngan sa huling 2:21 minuto ng labanan, habang nagsalpak naman si Padilla ng tatlong sunod na free throws upang ibigay sa Gems ang kampanteng katayuan sa 90-83 kalamangan.

Tumapos si Mitchell ng 28 puntos, bukod pa ang 17 rebounds at tig-tatlong blocked shots at steals, habang nagdagdag naman si Padilla ng 18 puntos.

Inaasahan na ang muling pagbabalik ng serye sa sariling balwarte ng Cebu ang magbibigay sa kanila ng malaking home-court advantage sa Game Three para makuha ang Game Three na siyang maghahatid sa kanila para okupahan ang huli at nalalabing slot sa Southern Conference Finals.

Ang mananalo sa rubber match na ito ang siya namang makakalaban ng naghihintay ng Negros Slasher na nakasungkit ng unang Southern Conference Finals berth noong Sabado sa pamamagitan ng kanilang 2-0 sweep kontra Davao Eagles.

Nakuha naman ng San Juan Knights ang unang Conference Finals slot sa North at kanilang makakalaban ang mana-nalo sa pagitan ng Pasig-Rizal at Manila.

Show comments