Sa ganap na alas-5:15 ng hapon, iisa lamang ang ibig na mangyari ng Realtors ang maiguhit ang kanilang ikatlong panalo sa nakatakdang pakikipagbanatan sa Shell Velocity sa PhilSports Arena.
Papagitna ang Realtors na hawak ang kanilang 2-1 win-loss record sa likod ng lider na Mobiline Phone Pals at Batang Red Bull na nag-iingat naman ng 3-1 karta sa playing area na dala ang isang matinding paghihiganti na siya nilang gagawing tuntungan para palakasin ang kanilang opensiba.
Ibig ng tropa ni coach Norman Black na kalimutan ang kanilang masaklap na 80-87 pagkatalo sa mga kamay ng Tanduay Gold Rhum noong Oktubre 13 na dahilan upang malaglag sila sa unahang puwes-to.
Isa sa magiging bentahe ng Realtors sa kanilang laban ngayon ay ang hindi pa rin paglalaro ni Benjie Paras na isang malaking dagok sa kampanya ng Turbo Chargers kung bakit patuloy ang kanilang pagdausdos.
Katabla ng Turbo Chargers sa ilalim ng standings ang walang larong Barangay Ginebra na nagtataglay ng 1-3 panalo-talo karta.
Kailangang tapatan ni coach Perry Ronquillo ang intensibong opensa nina Marlou Aquino, Dennis Espino at ng import na si Joe Temple at iba pa kung nais nilang makaahon mula sa ilalim.
Samantala, maghihiwalay naman ng landas ang Alaska Milk at ang Pop Cola Panthers sa kanilang pang-alas-7:30 ng gabing engkuwentro bilang main game.
Kapwa nag-iingat ang Aces at ang Panthers ng 2-2 karta para sa ikatlong puwesto katabla ang Tanduay at pahinga ring Purefoods TJ Hotdogs.