Tanduay muling bumawi sa PBA Governors Cup

Matapos ang dalawang sunod na kabiguan, nakabangon mula sa ilalim ng standing ang Tanduay Gold Rhum sa PBA season-ending Governors Cup nang kanilang ilista ang dalawang sunod na panalo nitong nakaraang linggo.

Ito ay dahil sa consistent na performance nina import Maurice Bell, Jeffrey Cariaso at Dondon Hontiveros.

Ngunit nakuha ni Hontiveros ang boto ng PBA Press Corps para sa Player of the Week citation para sa ling-gong October 9-15.

Halos di nagkakalayo ang average nina Cariaso at Hontiveros nitong nakaraang dalawang panalo ng Rhum Masters.

Si Cariaso ay may average na 18.5 pts, 6.0 rebounds at 5.5 assists habang si Hontiveros ay may 20.5 pts, 4.5 rebounds at 3.5 assists.

Gayunpaman, isang eksplosibong laro ang ipinamalas ni Hontiveros sa nakaraang panalo ng Tanduay na siyang naging dahilan ng come-from-behind panalo ng Rhum Masters.

Matapos mabaon ng 14 puntos at kontrolin ng Shell Velocity ang laban hanggang sa kaagahan ng fourth quarter, humataw ng 8 sunod na puntos si Hontiveros upang iahon ang Tanduay at tuluyan nang mapasakamay ang 100-93 panalo kamakalawa.

Sa larong ito, humakot si Hontiveros ng 16-puntos, 10 sa fourth quarter kung saan nagbangon ang Tanduay, bukod pa sa 4-rebounds at 3-assists.

Sinuportahan naman si Hontiveros ni Bell ng 25 puntos, 5 rebounds, 4-assists at bukod pa sa 2 steals at 1-block sa 87-80 pamamayani ng Tanduay laban sa Sta. Lucia Realty noong Biyernes.

Sa kasalukuyan, katabla ng Tanduay ang Pop Cola at Alaska Milk sa 2-2 win-loss record sa likod ng lider na Red Bull 3-0, kasunod ang Sta. Lucia, Mobiline at Purefoods na may 2-1 record.

Show comments