Ipinoste ng 22-anyos na si Buen, nagwagi rin sa 5K regional run noong nakaraang taon ang kanyang ikalawang panalo sa road race ngayong taon matapos na manguna sa 10K run na idinaos naman sa Biñan nong buwan ng Hunyo.
"Maganda ang ruta dito, maganda rin ang panahon at pukpukan kami ni Henry hanggang sa huli, walang bigayan. Target kasi namin, dapat amin ang first two places," wika ni Buen na nagtala ng tiyempong 34:35 at nagbulsa ng P5,000 at slot sa 42K Milo Marathon Finals sa Manila na gaganapin naman sa Disyembre.
"Sa start pa lang magka-sama na kami, sa last 2K na lang nakadikit yung third placer, ginawa namin, binatak namin, step-up ng pace para hindi na siya makahabol," pahayag naman ni Janer na dumating sa finish line na may oras na 34:45 at nag-uwi rin ng P3,000 premyo.
Ang ikatlo at huling qualifying slot ay napasakamay ni Eugenio Postrado matapos na madiskuwalipika si Leodegracio Raterta bunga ng non-residency sa nasabing rehiyon matapos na magposte ng 35:20 tiyempo at nagbulsa rin ng P2,000 cash prize.
Sa kababaihan, ipinakita ni Enate Sayrol ang kanyang tikas nang kanyang dominahin ang apat kataong lead pack sa unang 2K mark at hindi na nilingon pa ang kanyang mga kalaban patungong finish line sa tiyempong 45:29.
Samantala, gaganapin naman ang isa pang regional race sa Cagayan de Oro sa Oct. 29.