Shell diniskarga ng Tanduay sa PBA Governors' Cup

Pumutok si Dondon Hontiveros sa mga oras na kinakailangan upang maiposte ng Tanduay Gold Rhum ang 100-93 come-from-behind panalo kontra sa Shell Velocity sa pagpapa-tuloy ng PBA Governors Cup elimination sa Araneta Coliseum kagabi.

Matapos itabla ni Rudy Hatfield ang iskor sa 86-all, umiskor ng apat na sunod na basket si Hontiveros upang ibandera ng Rhum Masters ang 94-86 kalamangan na kanilang naging tuntungan sa panalo.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Rhum Masters buhat sa dalawang sunod na kabiguan habang nala-sap naman ng Turbo Chargers ang ikatlong kabiguan sa apat na laro.

Tumapos si Hontiveros ng 16 puntos, 10 nito sa ikaapat na quarter, bukod pa sa apat na rebounds at tatlong assists upang maduplika ng Tanduay ang nakaraang panalo sa Sta. Lucia Realty, 87-80 noong Biyernes.

Nakahirit pa sana ang Shell ng umiskor ng split shot at basket si John Morton upang makalapit sa 89-94, 52 segundo na lamang ang oras sa laro, ngunit kumana ng tigalawang free throws sina Rudy Hatfield, Hontiveros at Jason Webb upang iselyo ang tagumpay.

Kumana ng double-digits ang pitong players ng Tanduay maliban kay Bobby Jose, sa pangunguna nina Hatfield at Jeffrey Cariaso na may 23 at 21 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Tumapos si import Maurice Bell ng 18 puntos kontra sa 35 produksiyon ni Morton habang sina Webb at Chris Cantonjos ay may tig-11 puntos.

Umiskor ng magkasunod na basket si Webb upang itabla ang iskor sa 84-all matapos kontrolin ng Shell ang mga naunang bahagi ng labanan.

Naikonekta ni Dale Singson ang dalawang free throws mula sa foul ni Hatfield para bawiin ang trangko sa 86-84, ngunit ito na ang huling pagkakataong lumamang ang Turbo Chargers.

Trinangkuhan nina Morton at Cris Jackson ang Shell sa unang bahagi ng labanan upang umabante ang Turbo Chargers sa 14 puntos at hawakan ang 52-42 kalamangan sa pagsasara ng first half.

Humakot si Morton ng 12 puntos sa unang quarter upang ihatid ang Shell sa 28-22 kalamangan sa pagsasara ng naturang yugto.

Sa tulong ni Jackson, lumobo ang bentahe ng Shell sa 46-32 matapos ang three-point play ni Morton at basket ni Mark Telan, 3:20 na lamang ang nalalabi sa second quarter.

Habang sinisulat ang artikulong ito, kasalukuyang naglalaban ang defending champion San Miguel Beer at ang Alaska Milk bilang main game.

Samantala, isang ma-gandang alok ang ipinapain ng Tanduay sa point guard ng San Miguel na si Boybits Victoria nitong mga nakalipas na araw.

Ito’y ang isang limang taong kontrata na siguradong maglalagay sa kanya sa hanay ng mga milyonaryo sa PBA at bukod pa ang mas mahabang playing time na ibibigay sa kanya.

Si Victoria ay dala-wang taon ng naglalaro sa San Miguel na nagwagi ng tatlo sa huling apat na kumperensiya. Siya ay nahugot ng Beermen sa isang trade na kinasangkutan ni Cris Bolado bago magsimula ang 1999 season.

Ibig ng Tanduay na makuha si Victoria dahil sa nalalapit na pagkapaso ng kontrata nina Pido Jarencio, Jomer Rubi, Webb at Roderick Bughao na pawang mga point guard ngayong katapusan ng Disyembre.

Show comments