Sa nasabing trade, tila mas nakakapabor ito sa Batang Red Bull dahil si Asaytono ay isang franchise player at dalawang beses na naging kandidato para sa karangalan bilang MVP habang sina Tugade at Tanpua naman ay bihira lamang nagagamit ni Thunder coach Yeng Guiao.
Ngunit marami din itong maitutulong sa Pop Cola. Una dahil mas bata si Tugade at mas mababa ang buwanang suweldo nito. Si Tugade ay nasa magandang kundisyon, habang si Asaytono naman ay kasalukuyang nasa injured list dahil nagpapa-opera ng kanyang bukong-bukong. Sa kabilang banda, si Tanpua naman ay nasa injured list din ngunit inaasahang makakabalik sa aksiyon sa pagtatapos ng elims.
Ang pagpapakawala kay Asaytono ay nag-iwan ng bakanteng espasyo sa salary cap ng Pop Cola na maaaring gamitin ng Panthers para makakuha ng isang lehitimong sentro sa susunod na taon. Isa lamang ang lehitimong sentro ng Pop Cola sa katauhan ng beterano at tumatanda na ring si Zaldy Realubit.
Maaaring punan ni 65 Fil-Am cager Ali Peek ang kakulangan na ito ng Pop Cola ngunit higit na maaasahan si Peek bilang power forward, ang posisyon na pinaghahatian din nina Noli Locsin at Estong Ballesteros.
Gayunpaman, tila hindi pa desidido ang Batang Red Bull na pakawalan si Tugade, lalo na at maganda ang panimula ng Thunder sa kumperensiyang ito kung saan dalawang sunod na panalo, ang kanilang naitala, una sa Tanduay, 94-90 at kasunod naman sa Pop Cola sa 100-95.