RHJ, Tropang Giga tanaw na ang semis
MANILA, Philippines — Mabilis na nakabawi ang reigning champion Talk ‘N Text kontra sa NLEX sa Game 3, 109-91, para sa 2-1 bentahe ng kanilang 2024 PBA Governors’ Cup best-of-five quarterfinal series kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Halos triple-double na performance uli ang ipinamalas ng reigning Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson na may 27 puntos, 12 rebounds at 8 assists sahog pa ang tig-1 steal at tapal upang banderahan ang balikwas ng Tropang Giga.
Kinapos ang TNT sa Game 2, 93-90, para sana sa 2-0 kartada matapos ang 107-102 panalo sa Game 1 ng mabilisang race-to-three series para sa puwesto sa semifinals.
Hindi na nagpaawat ang TNT ngayong Game 3 nang makapag-ambag ng solidong suporta kay Hollis-Jefferson si Calvin Oftana na pumukol ng 18 puntos tampok ang 3 tres sahog pa ang 5 rebounds at 3 assists.
Tig-17 puntos naman ang kontribusyon nina Rey Nambatac at Glenn Khobuntin habang may 11 puntos si Kelly Williams para sa mga bataan ni coach Chot Reyes na tangkang makalapit sa pag-depensa ng kanilang korona.
Namuro dito ang Tropang Giga nang bumulusok agad sa 32-21 ratsada sa first quarter na pinalawig pa nila sa 61-40 lead sa halftime.
Umabante ng hanggang 26 puntos ang lamang g TNT, 108-82, tungo sa kumbisidong tagumpay.
Nagkasya lang sa 16 puntos ang import na si DeQuan Jones para sa koponan ni coach Jong Uichico na binanderahan ng 17 puntos ni Robbie Herndon.
Maging ang ace guard at PBA scoring champion na si Robert Bolick ay nalimitahan lang sa 12 puntos para sa Road Warriors, na susubok ng tagumpay sa Game 4 bukas upang makapuwersa ng winner-take-all Game 5.
- Latest