^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mga pulis ang sumisira sa PNP

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mga pulis ang sumisira sa PNP

Walang ibang sumisira sa bakal kundi ang sari­ling kalawang. Ang kasabihang ‘yan ay naipupukol ngayon sa Philippine National Police (PNP) dahil may mga pulis na sila mismo ang sumisira sa kanilang orga­nisasyon. Sa halip na pangalagaan ang imahe ng PNP, sila pa ang sumisira. Wala talaga silang ipinagkaiba sa kalawang.

Sa kabila na nagbabala na si PNP chief Gen. Rommel­ Marbil sa mga police scalawags, patuloy pa rin ang masama nilang gawain. Hindi na nakapagtataka kung gumuho ang PNP dahil sa kagagawan ng mga pulis mismo. Kawawa naman ang organisasyon na inalagaan ng ilang matitinong pulis na unti-unting nasisira.

Nakadidismaya ang balita na tatlong pulis sa Bu­lacan ang pinasok ang bahay ng isang negosyante at tinangay ang P30 milyong cash. Kinasuhan ng Bulacan Police Provincial Office ng robbery hold-up sa Bulacan Prosecutor’s Office ang mga pulis na sina Maj. Armando Reyes, Staff Sgt. Anthony Ancheta at Senior Master Sgt. Ronnie Galion. Apat pang pulis ang hinahanap. Nangyari ang pagnanakaw noong Agosto 28 sa Bgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan. Nagpanggap umano ang mga suspek na nanghihingi ng tulong pinansiyal kaya nakapasok sa bahay ng negosyanteng si Emerson Magbitang. Tinutukan ng baril si Mag­bitang at tinangay ang pera na kawi-withdraw lamang umano. Nagsumbong ang biktima sa mga pulis at na­aresto ang tatlo.

Kamakailan lang, sinampahan na ng kaso ang dala­wang pulis na sangkot sa pagpatay sa Pampanga beauty queen at nobyong Israeli. Pagkatapos pata­yin, inilibing ang dalawa sa bakanteng lote. Nakilala ang mga pulis na sina Michael Guiang at Rommel Abuso na natanggal sa serbisyo noong 2021.

Noong Hunyo, dalawang pulis mula sa Caloocan City ang inireklamo ng carnapping at robbery. Nakilala ang mga suspect na sina Staff Sgt. Rusell Ortega at Cpl. Joel Taboga. Kaparehong buwan, inaresto naman ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) si Lt. Col. Gideon Ines, Jr. matapos isangkot sa “rentangay” carnapping modus.

Noong Agosto 2023, siyam na pulis ang puwersa­hang pumasok sa bahay ng babaing senior citizen sa Imus, Cavite at pinagnakawan ito. Inakusahan ng mga pulis na sangkot sa illegal drugs ang senior citizen. Tinangay ng mga pulis ang gulong ng motorsiklo, helmet, bag, relo, cell phone at iba pang gadgets sa bahay. Nahuli at sinibak ang siyam na pulis. Noong Okt. 7, 2022, nakumpiska kay MSgt. Rodolfo Mayo ang 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa Tondo.

Nang maupo si General Marbil noong Abril 1, 2024, nangako siya na lilinisin ang PNP. Patuloy na naghihintay ang mamamayan sa kanyang pangako. Alisin ang mga “iskalawang”.

vuukle comment

PNP

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with