Pangulong Marcos: ‘Tanim-bala’ sa NAIA imbestigahan!

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malalim na imbestigasyon sa umano’y pagbabalik ng kaso ng “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty.Claire Castro, na hindi magandang maulit ang nasabing insidente kaya pinaiimbestigahan na ito ni Pangulong Marcos.
“”Yes, hindi po maganda naman kung ito man po ay mauulit. So, ito po ay talaga pinaiimbestigahan ng Pangulo at sa tulong na rin po ni DOTr Secretary Vince Dizon. Kung ito man may katotohanan, ang mga nagsagawa nito ay dapat na matanggal sa kanyang trabaho,” pahayag pa ni Castro.
Hindi aniya papayagan ng Pangulo na mamayani ang ganitong gawain kung may basehan dahil kawawa ang mga Pilipino at mga turista na mabibiktima ng ganitong modus sa mga paliparan.
Dahil dito kaya dapat aniyang managot kung mayroong dapat managot matapos ang gagawing masusing imbestigasyon.
Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng konklusyon ang Pangulo sa mga ganitong insidente dahil hindi pa nakukumpleto ang imbestigasyon.
Nag-viral sa social media ang video ng isang senior citizen na pasahero na inaakusahang may dalang bala sa kanyang bag na matinding inalmahan nito at kanyang mga kasama.
- Latest