Isyu ng ‘ghost students’ sa Senior High School Voucher Program, kinondena
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ni dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino ang pagkakaroon ng ilang pribadong paaralan ng ghost students sa ilalim ng Senior High School (SHS) Voucher Program.
“Nakakabahala talaga ang balitang ito ng ghost students. Pera po ito na dapat napupunta sa mga kabataang nangangailangan. Dapat matigil iyan,” wika ni Senador Aquino sa panayam ng media habang nag-iikot sa Iloilo City.
Tiwala naman si Senador Aquino na iimbestigahang maigi ni Education Secretary Sonny Angara at parurusahan ang mga sangkot sa isyu.
“Iyong mga nagnanakaw ng pera sa mga estudyante natin, dapat silang makulong at dapat nang matigil ang practice na ito,” ani Aquino.
Kapag nakabalik siya sa Senado, titiyakin ni Senador Aquino na hindi na mauulit ang ganitong insidente ng ghost students at iba pang maanomalyang paggamit ng pondo para sa edukasyon.
“Iyang ganyang klaseng corruption, napakasama talaga. Iyong pera para sa ating kabataan, dapat napupunta sa taumbayan, at hindi binubulsa ng iilan,” giit pa niya.
- Latest