Mga barber shops, beauty parlor ipasasara ng Quezon City LGU
Kampanya vs mpox
MANILA, Philippines — Nanganganib na maipasara ang mga barber shop, beauty parlor at saloon sa lungsod ng Quezon bilang bahagi ng kanilang kampanya na labanan ang paglaganap ng mpox.
Ayon kay Atty. Leo Albert Lazo, hepe ng Enforcement and Adjudication Division ng Business Permit and Licensing Department (BPLD) nagsasagawa na sila ng inspeksiyon sa mga nasabing establisimyento na maaaring pagmulan ng naturang sakit.
Kamakailan ay isang spa ang naipasara ng BPLD dahil dito nagpamasahe ang unang mpox case patient ng QC at naipasara rin ang isang fitness center dahil sa ayaw makipag-tulungan sa contract tracing na ginagawa ng QC Health Department sa mga lugar na pinaghihinalaang pinuntahan ng mpox patient kamakailan.
Aniya hinihintay na lamang ng BPLD ang tugon ng QC Health department kung ipasasara rin ang 282 establishment sa 385 spa at massage establishment na sinuri kamakailan na walang sanitary permit.
Una dito, sinabi ni Sarah Conclara ng MPOX Surveillance Unit ng QC health Department, na magaling na ang tatlo sa apat na mpox patient ng QC.
Nahihirapan lamang anya sila na magsagawa ng contact tracing dahil may ilan na ayaw makipagtulungan sa lokal na pamahalaan para mapigilan ang paglaganap ng naturang sakit.
Niliwanag naman ni Councilor Bernard Herrera, Committee Chair on Health and Sanitation na patuloy na pinaiigting ng lokal na pamahalaan ang posibleng pagpaparusa sa mga ayaw makipag-tulungan sa ginagawang hakbang ng QC LGU para malabanan ang naturang sakit.
May training din anya na naipagkakaloob ang QC LGU para sa mga health care personnel upang higit na mapalakas ang kampanya ng lokal na pamahalaan kontra mpox.
- Latest