YsaGuel, hirap mag-QT!
Noong Lunes ay nagsimula na sa GMA Network ang Mga Batang Riles na pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, Raheel Bhyria, Bruce Roeland at Antonio Vinzon.
Magkahalong emosyon umano ang naramdaman ni Miguel noong unang nalaman na sa primetime ilalagay ng pamunuan ng Kapuso network ang naturang serye. “Nakaka-pressure kung iisipin mo, Tito Boy. Kaya nga grateful ako sa prod dahil pinapakinggan nila ‘yung voice ko. Meron akong mga inputs, merong mga suggestions sa script, sa mga characters, pinapakinggan nila ako. Feeling ko ‘yon ang magandang gawin sa show dahil feeling mo may purpose ka, may value ‘yung work mo. So kahit na may pressure feeling ko fulfilled ako every taping,” nakangiting pahayag sa amin ni Miguel sa Fast Talk with Boy Abunda.
Dugo at pawis umano ang puhunan ng binata upang mas maging maganda ang kalabasan ng bagong GMA Prime series. Bilang paghahanda ay nagsanay si Miguel ng action stints sa pamamahala ni Ronnie Ricketts. “Kasi sanay po ako sa mga heavy drama, Tito Boy. Ngayon lang ako magha-hardcore action. May mga times na kami po mismo ‘yung fight choreography sa set mismo. Binibigyan kami ng freedom ni direk. And ‘yon naman naa-appreciate ko ‘yon. Pero nakakapagod, ibang pagod talaga itong hardcore action. Pero nai-enjoy ko siya eh. Mga workshop with Sir Ronnie Ricketts. Tapos buti na lang ako physically active talaga ever since. And nag-aral akong mag-parkour for this. Kasi ‘yon ang edge ni Kidlat (karakter ni Miguel),” pagbabahagi ng aktor.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay walang katambal si Miguel sa isang serye. Para sa aktor ay kakaiba ang kanyang pakiramdam ngayon na puro lalaki ang bida sa proyekto. “Kakaiba, kasi ito ‘yung first show ko na walang love team. Natatakot din po at the same time pero freeing din ‘yung pakiramdam eh. Kasi mag-isa ka ngayon, ‘di ba?” giit niya.
Abala ngayon si Miguel at kasintahan na si Ysabel Ortega sa kanya-kanyang proyekto. Kahit sobrang abala sa trabaho ay sinisikap ng aktor na magkaroon pa rin ng panahon para sa dalaga. “Siguro mas magbigay ng time kahit paano kasi parehas kaming (busy), siguro quality time. Kasi parehas kaming may show po, so parang mahirap humanap ng time. Kaya kapag meron kami, I’ll make sure na lalabas kami, quality time talaga,” pagtatapat ng binata.
Samantala, masayang-masaya si Miguel para sa inang si Grace Tanfelix. Namamayagpag ngayon si Mommy Grace bilang content creator dahil sa hilig nito sa pagluluto. Mayroong 1.8 million followers sa Facebook at mahigit 420k naman ang followers sa TikTok ang ina ng aktor. “Si mommy kapag may mga bashers before, talagang naaapektuhan siya. Pero sabi ko, ‘Huwag mo na masyadong pansinin, mommy.’ So hanggang nakasanayan na lang niya na may nagko-comment na negative sa kanya. Usually ‘di ba gano’n ‘yon, kapag may bashers tayo, una masasaktan ka, tao ka lang eh. Nag-e-enjoy po kasi si mommy. Ang daming artista nagsasabi sa akin, ‘Pinapanood ko ‘yung nanay mo. Ako, ‘di mo pinapanood?’” natatawang pagtatapos ng Kapuso actor. — Reports from JCC
- Latest