Imahe ng PNP, sumadsad dahil sa isyu ng ex-PNP chief!
BUMANGO ang imahe ng Philippine National Police matapos ma-accounted for sina ex-Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy. Subalit matapos kumanta si Lt. Col. Jovie Espenido na ang PNP ang “biggest crime syndicate sa Pinas” at sa testimonya ni PAGCOR official Raul Villanueva na “ex-PNP chief” ang tumulong sa pagtakas ni Guo, sumadsad na naman ito.
Mas lalo na kapag may mapasamang pulis na kakasuhan dahil sa pagkanlong kay Quiboloy, tiyak lalong babagsak ang imahe ng PNP. Get’s n’yo mga kosa? Hilong talilong na tiyak si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa kaiisip kung paano ibabangon ang imahe ng kapulisan, ‘no mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Pero sa totoo lang, hindi naman kasalanan ng PNP kung bakit nawindang ang kanilang imahe sa mata ng mga Pinoy. Ang tinuran nina Espenido at Villanueva ay ginawa sa hearing ng mga pulitiko “in aid of legislation.” ‘Ika nga, nahagip lang ang PNP, na walang kamalay-malay sa mga hearing kung saan sina Espenido at Villanueva ay resource persons. Eh di wow!
Kung tutuusin, ang ibinulgar nina Espenido at Villanueva ay maituturing na “hearsay” dahil wala naman silang maipakitang ebidensiya para suportahan ang pinagsasabi nila. ‘Ika nga, dapat hindi na pinatulan. Kaya lang nagkaroon ng credence ang ibinulgar nila mga kosa dahil si Espenido ay nasa active service pa ng PNP samantalang si Villanueva ay dating ISAFP official. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Inamin naman ni Marbil na apektado ang imahe ng PNP sa sinabi ni Villanueva na ex-PNP chief ang tumulong sa pagtakas ni Guo at nasa payroll ito ng huli sa POGO operations niya sa Bamban. Sarapppppp naman! Kaya inutusan ni Marbil si CIDG director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco na kalkalin ang puno’t dulo ng Marites na ito, dahil hindi naman ito na-verify ni Villanueva.
Wala nang ginawa ang CIDG kundi imbestigahan ang lahat ng nangyayari sa mga hearing ng mga pulitiko. Sanamagan! Wala pang katapusan ‘yan, dahil patapos pa lang ang Senate haring ni Guo sa Martes at parating naman ang bagyong hearing sa kaso naman ni Quiboloy. Araguyyy! Sarap-buhay talaga ang mga pulitiko gamit ang milyones na buwis ng mga Pinoy. Ano pa nga ba? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Ayon kay PNP spokesperson at PIO Col. Jean Fajardo hindi sasantuhin ni Marbil kung sinuman ang ex-PNP chief na nasa payroll at tumulong sa pagtakas ni Guo.
“We will not lose our focus. We will be coordinating closely with Pagcor and other agencies for purposes of identifying this individual and if there are pieces of evidence for the filing of cases,” ani Fajardo.
Sinabi naman ng mga kosa ko na magkakaroon ng liwanag ang lahat kapag kinuha ni Francisco ang call log ni Guo mula 2019 hanggang sa kasalukuyan at tiyak sasambulat lahat ng kanyang connections, hindi lang sa PNP kundi maging sa iba pang ahensiya ng gobyerno. Kapag ginawa ‘yan ni Francisco, bibilis tiyak ang tibok ng puso ng lahat ng kumita kay Guo, di ba mga kosa? Mismooo!
Makatulong kaya sa pag-ahon ng imahe ng PNP ang resulta ng mga imbestigasyon ni Francisco sa samu’t saring kaso na iniatang sa kanya ni Marbil? Ang gulo ng Pinas, ‘no mga kosa? Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan! Abangan!
- Latest