Eastern hiniya ng Meralco
MANILA, Philippines — Makulay, masigabo at nagliliyab ang simula ng Bagong Taon para sa Meralco matapos takasan ang guest team na Hong Kong Eastern, 88-83, sa pagbabalik-aksyon ng 2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Galing sa two-game losing skid ang Bolts bago ang mahabang break ng PBA dahil sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon subalit maugong ang naging pagbabalik nang mabingwit ang malaking isda na Eastern.
Angat sa 4-2 kartada ang Bolts sa ika-6 na puwesto upang mapalakas ang tsansa nito sa playoffs sa kalagitnaan ng elimination rounds tampok ang 13 koponan kabilang na ang dayong Hong Kong.
Kumamada ng 31 puntos, 14 rebounds, 5 assists at 7 steals ang import na si Akil Mitchell para sa mga bataan ni coach Luigi Trillo na nahirapan sa buong duwelo.
Nag-ambag ng 16 puntos si Bong Quinto habang may tig-9 sina Aaron Black at Chris Newsome.
May tig-6 na puntos ding ambag sina Cliff Hodge at Chris Banchero sa labang kinatampukan ng malagkit na depensa para sa parehong koponan.
Walang team na nakalamang ng double digits tampok ang 28-19 lead ng Meralco sa first quarter bilang pinakamalaking bentahe.
Abante lang ng 1 puntos ang Meralco, 79-78, sa huling 5 minuto subalit nagpakawala ng krusyal na 9-3 ratsada na tinuldukan ng freethrows ni Newsome para sa 88-81 abante sa huling minuto.
Sapat na ang naturang lamang para sa Bolts upang mapigilan ang Eastern na kapwa nila kasaling koponan sa idinaraos ding East Asia Super League (EASL).
Tumikada ng kumpletong 28 puntos, 18 rebounds, 3 assists, 2 steals at 4 blocks si Christopher John McLaughlin para sa Eastern na nahulog sa ika-4 na puwesto hawak ang 6-3 kartada.
- Latest