Flying Titans lusot sa Highrisers
MANILA, Philippines — Nakaiwas ang Choco Mucho na mahulog sa 0-2 butas sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Itinakas ng Flying Titans ang 27-29, 25-20, 25-19, 17-25, 15-11 panalo kontra sa Galeries Tower Highrisers kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumangon ang Choco Mucho sa naunang 20-25, 28-26, 21-21, 16-25 pagkatalo sa Petro Gazz para sa kanilang 1-1 record.
Bagsak naman ang Galeries Tower sa 0-2 marka matapos ang 30-28, 15-25, 16-25, 23-25 kabiguan sa Akari sa una nilang laro.
Humataw ang nagbabalik na si Kat Tolentino ng 27 points mula sa 20 attacks at pitong blocks bukod sa 10 excellent digs para banderahan ang Flying Titans.
“I think we have a lot to work on still and we’re going to keep working hard,” ani Tolentino. “This is just the beginning and we have so much more to give pa.”
Nagdagdag si Sisi Rondina ng 19 markers habang may 14 at 10 points sina Chery Nunag at Loraine Pecana, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni rookie Jewel Encarnacion ang Highrisers sa kanyang 18 points at may 13 markers si Ysa Jimenez.
Inilusot ng Galeries Tower ang 29-27 panalo sa first set kasunod ang pag-agaw ng Choco Mucho sa 2-1 bentahe sa likod nina Tolentino at Rondina.
Nakatabla ang Highrisers sa fourth frame, 25-17, bago makadikit sa 12-14 mula sa hataw ni rookie Julia Coronel na tumapos na may 10 points at 11 excellent sets.
Sinelyuhan ni Rondina ang panalo ng Flying Titans sa pamamagitan ng kanyang crosscourt attack.
- Latest