^

Para Malibang

Kahit may pandemya, tuloy and deliber ng Pang-Masa

Ronnie M. Halos - Pang-masa
Kahit may pandemya, tuloy and deliber ng Pang-Masa
Frontliners din ang mga newspaper vendor. Kahit may pandemya patuloy sila sa pagtitinda para may mabasa ang masa. Sila ay itong kilalanin.
Pang Masa

MANILA, Philippines — Frontliners din ang mga newspaper vendor. Kahit may pandemya patuloy sila sa pagtitinda para may mabasa ang masa. Kilalanin sila:

Elizer Nidea, 69, ng Buenamar St., Novaliches Proper, Quezon City. Mahigit 20 taon nang newspaper vendor. Araw-araw ay maaga siyang gumi­gising para magtinda ng diyaryo. Umulan, umaraw, may bagyo o wala, tuloy ang kanyang paghahanapbuhay na makapagbenta ng diyaryo. At kahit may pandemya, tuloy pa rin ang kanyang trabaho para sa kanyang mga suki. Dahil sa kanyang pagdidiyaryo, napagtapos niya ng pag-aaral ang kanyang mga anak. Ang kanyang bunsong si Nerissa ay nakapagtapos ng nursing at ngayon ay nagtatrabaho na. Magpapatuloy siyang magtinda ng diyaryo kahit ano pa man ang mga kalamidad na duma­ting. Mayroon na siyang commitment sa kanyang mga suking mambabasa. At tuwiran niyang sinasabi na ang Pang-Masa at kapatid nitong Pilipino Star NGAYON ang pinakapaborito at nangunguna sa kanyang newsstand.

Emma C. Gillo, 63, ng Amparo Capri Subdivision, Novaliches, Quezon City. Dalawampung taon nang nagtitinda ng diyaryo. May asawa at tatlong anak. Walang palya ang araw-araw niyang paggising nang maaga para magtinda ng diyaryo. Mayroon siyang puwesto malapit sa barangay hall ng Nagkaisang Nayon. Ipinagmamalaki niya na dahil sa pagdidiyaryo, napag-aral niya ang kanyang mga anak.  

Virgilio C. Inigo, 61, newspaper vendor ng Rose St., Capri, Novaliches, Quezon City. Mahigit 40 taon na siyang newspaper vendor. Nagsimula siyang magdiyaryo noong nasa high school pa. Hanggang sa magbinata at magkapamilya ito pa rin ang pinagkunan niya ng ikinabubuhay. Napag-aral niya ang kanyang mga anak. Inamin niya na naapektuhan ang benta ng diyaryo mula nang magkapandemya. Pero naniniwala raw siya na lilipas din ito ay manunumbalik ang malakas na benta ng mga diyaryo, lalo na ang PM. Pero kahit daw dumanas ng pan­demya, wala pa ring makakapigil sa kanya para magdeliber ng diyaryo para sa kanyang mga suki.

Ayon sa kanya, pabo­ritong basahin ng kanyang mga suki sa PM ang Sports page. Hiling daw ng mga suki niya na dagdagan ang programa sa karera.

Rick Ramos, 46, barbero ng Celario’s Barber Shop sa Gen. Luis St. Nova Proper, Novaliches, Quezon City. Hindi siya newspaper vendor gaya nina Elizer, Emma at Virgililo pero ipinagmamalaki niyang suki siya ng PM Pang-Masa. Labingwalong taon na siyang suki ng PM. Araw-araw ay mayroon silang suplay ng PM at Pilipino Star NGAYON sa kanilang barber shop. Walang palya ang kanilang deliber ng dalawang tabloid sapagkat sinusubaybayan ito ng kanilang mga kostumer. Habang ginugupitan ay nagbabasa ng diyaryo ang mga ito. Paborito niyang basahin sa PM ang mga nobelang isinusulat ni Ronnie M. Halos. Lagi rin niyang sinusubaybayan ang Diklap at Gilalas sa pahina 3-4. Gusto rin niya ang mga news sa sports page. Ayon sa kanya, hindi na magbabago pa ang tinatangkilik na diyaryo—PM at PSN na sila for life.

Hindi pahuhuli ang Pinoy sa Big Leagues

Nasubok ang tibay at katatagan nating lahat sa panahon ng pandemya.

Maging ang mga atleta ay napasabak sa matinding laban, hindi lamang sa aktuwal na kompetisyon kundi sa lahat ng hamon na dulot ng COVID-19.

Gayunpaman, may ilang Pinoy athletes na tunay na ‘di nagpahuli at sinuong ang lahat ng hamon ng coronavirus para manalo sa malalaking kompetisyon.

Sa pagdiriwang ng Pang-Masa ng ika-18 anibersaryo, bigyan natin ng pagpupugay ang mga atletang nagbigay ng malaking karangalan sa Pilipinas.

Unang-una sa listahan si weighlifter Hidilyn Diaz na inihatid ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa kanyang pagkapanalo sa Tokyo Summer Games na natuloy noong July 23 hanggang August 8 matapos ma-postpone noong 2020.

Ginawa ito ni Diaz, tubong Zamboanga, sa impresibong panalo sa pagbuhat ng Olympic record na 127kg sa clean and jerk para sa isa pang record na 224kg sa total lift sa women’s 55-kg division.

Ang panalong ito ang umukit ng kanyang pangalan bilang isa sa Philippine sports greats matapos niyang patirin ang 97 taong paghihintay ng Pilipinas sa mailap na Olympic gold sapul nang unang lumahok ang bansa sa quadrennial games noong 1924.

Matinding sakripisyo ang ginawa ni Diaz na determinadong manalo kaya’t natiis niyang mawalay sa kanyang pamilya ng halos dalawang taon dahil sa Malaysia na ito inabot ng lockdown habang nagte-training.

Noong 2016 Rio de Jainero Olympics, nagkasya lamang sa silver si Diaz bago nag-gold noong 2018 Jakarta Asian Games at 2019 Southeast Asian Games.

Malaking hamon sa mga atleta ang pagte-training, paghahanda at ang aktuwal na kompetisyon dahil sa lockdown, restrictions at protocols na kailangan sundin ngunit kailangang  suungin ang lahat ng ito ng 30-gulang na si Diaz tungo sa tagumpay.

Ang Olympics ay isang major international multi-sport event na ginaganap tuwing ikaapat na taon at ang lahat ng atletang kasali rito ay dumaraan muna sa qualifying tournaments.

Bukod kay Diaz hindi rin nagpahuli sina gymnast Carlos Edriel Yulo at golfer Yuka Saso sa pagbibigay ng karangalan sa masang Pilipino.

Bago ang Tokyo Olympics, gumawa ng ingay ang 20-gulang na ngayong Filipino-Japanese professional golfer na si Saso nang kanyang pagreynahan ang US Women’s Open para ma-ging pinakabatang champion ng torneo tulad ni 2008 champion Inbee Park ng South Korea na nanalo sa torneo sa edad na 19-gulang, 11-buwan at 17-araw.

Tinalo ng 2018 double gold medalists na si Saso si Nasa Hataoka sa three-hole playoff nang magtabla sila sa liderato sa pagtatapos ng final round, sa 4-under.  Si Saso ang kauna-unahang Pinay na nanalo sa isang major golf tournament na bahagi ng PGA Tour at European Tour.

Ngunit hindi kinatigan ng magandang ihip ng ha-ngin si Saso sa kanyang kampanya sa Tokyo Olympics.

Tulad ni Saso, inalat din ang isa pang inaasahang makaka-gold sa Tokyo Games na si Yulo  ngunit nakabawi ang pambatong gymnast ng Pinas nang muling manalo ng gold sa 2021 World Artistic Gymnastics Championships sa Kitakyushu, Japan noong Oktubre.

Ang 21-anyos na si Yulo, tubong Leveriza, Malate ang unang multiple medalist sa isang world championships matapos komopo ng gold sa men’s vault category at silver sa men’s parallel bars competition.

Nagtala si Yulo ng 14.916 para talunin ang local bet na si Hidenobu Yonekura sa vault event, at umiskor ng 15.300 sa parallel bars sa likod ng nanalong si Hu Xuwei ng China matapos mabigo sa paborito niyang event na floor exercise.

Pambawi ito ni Yulo sa kanyang nakakadismayang performance sa men’s floor exercise sa Tokyo Olympics kung saan nag-qualify ito nang maka-gold sa floor exercise event ng 2019 world championsips sa Stuttgart, Germany na nabigo niyang idepensa ngunit bumawi siya sa kanyang gold at silver performance.

Ang tagumpay nina Diaz, Saso at Yulo ang nag-angat sa sambayanang Pinoy sa panahong maraming lugmok dahil sa coronavirus.

Nilundag naman ni national pole vaulter Ernest John Obiena ang gold medal sa Golden Roof Challenge sa Innsbruck, Austria.

Hinigitan ni Obiena, ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist, ang una niyang talon na 5.80m para magposte ng bagong Asian record na 5.93m sa kanyang ikatlong attempt.

Kampeon din si Biado sa prestihiyosong US Open Pool Championship at Abu Dhabi Open 9-Ball Championship.

Tinalo naman ni WBO bantamweight champion John Riel Casimero si two-division king Guillermo Rigondeaux ng Cuba para matagumpay na maidepensa ang kanyang titulo.

Napanatili ni Jerwin Ancajas ang kanyang IBF super flyweight title sa pang-siyam na sunod na pagkakataon matapos umiskor ng unanimous decision win kay Jonathan Rodriguez sa Mohegan Sun Arena sa Connecticut, USA.

Gumawa rin ng kasaysayan si Nonito Donaire nang talunin nito si Nordine Oubaali via fourth-round knockout para sa WBC bantamweight world title at maging unang three-time bantamweight world champion.

Umagaw rin ng eksena si Pinay tennis player Alex Eala nang angkinin ang una niyang professional title sa first leg ng ITF W15 Manacor sa Spain noong Enero.

Nauna nang nakamit ni Eala ang titulo ng 2020 Australian girls’ doubles katambal si Priska Madelyn Nugroho ng Indonesia.

Huwag nating kalimutan ang tatlo pang Tokyo Olympic boxing medalists na sina Nesthy Petecio (silver), Carlo Paalam (silver) at Eumir Felix Marcial (bronze) na kumumpleto sa multi-medal finish ng Pinas. — CARMELA ‘MAE BALBUENA’ VILLENA

Police Metro: Mata na Pang-Masa

Ang Police Metro beat, ang pinaka-maaksyon at isa sa pinakamahirap na assignment para sa mamamahayag. Kaila­ngan ng tatag ng loob, matinding pakikisama at tibay ng sikmura.

Sa panahon ngayon na maraming baguhang­ mamamahayag ang lu­ma­laktaw sa Police/Metro beat, tila minamaliit na ito ng ilan para dumidiretso sa ibang mas malalaking assignments.

Pero kaila sa ka­nila, malaki ang maitutulong sa personalidad at tibay ng loob sa pagsabak sa mapanghamon sa Police Metro.

Dito mapapanday ang karakter ng isang mamamahayag sa pa­mamagitan ng pakiki­sama sa mga astig na mga imbestigador ng pulisya, sa puyatan ka­pag panggabing beat, at pagharap sa tila nakaka­baligtad sikmurang mga senaryo ng krimen, pagpapatiwakal, at ibang pangyayari dulot ng ka­likasan kabilang ang baha, basura, at sunog.

Pero nananatili­ ang PM (Pang-Masa) bilang Mata para sa masa sa anumang makabuluhang­ balita na nagaganap sa Metro/Police beat. Sa pagtunghay sa Pang-Masa, masasaksihan ang tunay na drama ng mga siyudad, ang mga pang­yayari sa dilim ng gabi, at ang aksyon sa buong maghapon.

Hindi kailangan na manood ng mga telenobela o action movies na kinatha lamang ng malilikot na imahinas­yon. Sa pagtunghay sa Pang-Masa, masasaksihan ang mga totoong pangyayari ng buhay sa bawat siyudad sa Metro Manila, mula sa mga krimeng nagaganap, sa performance ng mga alkalde, at mga polisiya na ipinatupad ngayong pandemya.

Naging matapat at swak sa panlasa ng ta­umbayan ang Pang Masa sa paghahatid ng importanteng impormasyon ukol sa lockdowns, mga ipinagbabawal, mga kautusan sa pagsunod sa ‘health protocols’, at mga anunsyo na naging gabay ng publiko para maging ligtas sa kasagsagan ng panganib na dulot ng COVID-19. Sa pagsulong ng bansa­ sa kinabukasan at pag-ahon sa pandemya­, ma­nanatili ang Pang-Masa na susubay­bay at maghahatid ng pinakaimportanteng ba­lita mula sa Police Metro beat upang magsilbing gabay sa paghubog ng mas ma­buting buhay. — DANILO GARCIA

ANIBERSARYO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
March 18, 2020 - 12:00am
fbtw
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with