Kahit wala pang inaamin… Miguel at Ysabel, hiwalay na?!
MANILA, Philippines — Parang hindi naman totoo ang iniisyu ng fans na hiwalay na sina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega at ang aktres daw ang nakipaghiwalay.
Ang isa sa mga rason daw ay walang time si Miguel kay Ysabel dahil busy sa promo ng Mga Batang Riles.
Kaya nasabi naming hindi totoo ang breakup ng dalawa dahil in the first place, wala pa naman silang inaamin na magdyowa na sila kahit obvious ang relasyon. Saka, bakit itinaon sa promo ng action series ni Miguel ang balitang ito?
Kung totoong break na sila, bakit nagpaabot pa ng Christmas wish ang aktres para sa sinasabing boyfriend niya.
Sa interview ni Aubrey Carampel kay Ysabel, tinanong ito kung ano ang Christmas wish para sa isang mahal niya sa buhay?
Alam ni Ysabel na si Miguel ang gustong tumbukin ni Aubrey, kaya para sa aktor ang kanyang Christmas wish.
“Ang hinihiling ko kay Miguel is of course, success sa career niya ang good health rin,” sagot ni Ysabel.
Pero, iginigiit ng fans, na ni-let go na ni Ysabel si Miguel dahil wala ngang time sa kanya. Naalala tuloy namin na ang birthday gift ni Ysabel kay Miguel ay tiket sa concert ng Script sa February 2025. Ano ‘yun, isasauli ni Miguel ang tiket na regalo ni Ysabel dahil break na sila?
Samantala, um-attend si Ysabel sa script analysis master class ni Ricky Lee at Aloy Adlawan. Big deal ito sa kanya dahil magagamit daw niya sa upcoming and ongoing shows. “Hindi lang ‘yun sa pagganap mo bilang aktres, pero ang dami ring factors na mas makaktulong sa pag-intindi namin sa aming role. Dagdag pa nito, importante na matutunan niya ang proseso ng pagsusulat ng isang istorya.”
Maris, mas piniling mamundok
Nag-mountain climbing o mountain hiking lang pala si Maris Racal with her friends, ang balita na ay namundok ito para palipasin ang kontrobersya na kinasangkutan nila ni Anthony Jennings. Sa nakita naming photos, okay naman si Maris, nakangiti pa nga sa mga larawan.
Ang OA kasi ng mga balita, namundok daw ito at pinalalabas na matagal hindi magpapakita. Kabaligtaran ito sa sinabi niya na ipagpapatuloy niya ang kanyang career at hindi siya susuko.
Sa Mt. Ulap sa Itogon, Benguet ang inakyat nina Maris at mga kaibigan at kung nag-enjoy siya, tiyak na masusundan pa ng ibang bundok ang aakyatin ng aktres.
Habang out muna siya sa limelight, ang ka-love team na si Anthony Jennings ay sobrang nag-enjoy sa Christmas Party ng cast, staff at crew ng Incognito. Sayaw ito nang sayaw kasama sina Daniel Padilla at Richard Gutierrez. Hindi dumalo si Maris sa Christmas Party na ‘yun.
Tali, iniyakan ang ginawa ni Vic!
Bukod pala sa pagtawag ni Tali Sotto sa amang si Vic Sotto ng “Dada” sa premiere night ng The Kingdom, may mas heartwarming scene pa pala ang mag-ama. Ito ‘yung pagyakap ni Tali kay Vic after ng showing ng movie.
Hindi lang basta yumakap, umiiyak pa si Tali nang yumakap sa ama at nang tanungin how proud she is with her dad, “so much” ang sagot nito. May sinabi pa si Tali na hindi namin naintindihan dahil sa ingay.
Anyway, first movie kaya ni Vic ang The Kingdom na napanood niya sa cinema? May rason maging proud sa ama si Tali dahil ang husay ni Vic bilang si Lakan Makisig. Sila ni Piolo Pascual who plays Sulo ay parehong magaling at walang kokontra kung pareho silang mano-nominate.
Sa Dec. 25, 2024 na ang simula ng showing ng pelikula sa direksyon ni Mike Tuviera.
Produced ito ng MQuest Ventures ni Mr. Manny V. Pangilinan, APT Entertainment ng mga Tuviera at M-Zet TV Productions ni Vic.
- Latest