Panalo ng Capital1 sa ZUS Coffee dasal ng Cignal

MANILA, Philippines — Matindi ngayon ang panalangin ng Cignal HD para talunin ng Capital1 Solar Energy ang ZUS Coffee.
Kung mananalo ang Solar Spikers sa kanilang bakbakan ng Thunderbelles sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City ay ang HD Spikers ang kukuha sa huling quarterfinals spot ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ginulat ng ZUS Coffee ang Cignal, 19-25, 25-23, 25-20, 23-25, 15-12, noong Martes sa Pool A sa play-in tournament para sa tsansang makasampa sa best-of-three quarterfinals series katapat ang Petro Gazz.
“I’m very proud of this team. Pero sa ngayon, malayo pa kami. Pero may potential and we will work our game,” ani coach Jerry Yee.
Umiskor ang HD Spikers ng 25-21, 22-25, 25-17, 25-17 panalo sa Solar Spikers bago matalo sa Thunderbelles.
Para maplantsa ang pagsagupa ng Cignal sa Petro Gazz sa quarterfinals series ay kailangan nitong manalangin na matalo ang ZUS Coffee sa Capital1.
Sa iba pang quarterfinal matchups, lalabanan ng nagdedepensang Creamline ang Chery Tiggo habang haharapin ng Akari ang Galeries Tower at sasagupain ng Choco Mucho ang PLDT.
Nauna nang pinadapa ng Thunderbelles ang Solar Spikers, 31-29, 25-15, 25-15, sa eliminations.
Muling sasandal ang ZUS Coffee kina Jovelyn Gonzaga, Thea Gagate, Michelle Gamit, Gayle Pascual at Chinnie Arroyo katapat sina Jorelle Singh, Heather Guino-o, Leila Cruz, Trisha Genesis at Des Clemente-De Guzman ng Capital1.
- Latest