PLDT pasok sa AVC Champions League

MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang representative ng Pilipinas sa AVC Women’s Champions League na papalo sa Abril sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ito ay matapos mapasama ang PLDT High Speed Hitters sa listahan para saluhan ang defending Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference champion Creamline at Petro Gazz sa kampanya sa AVC tournament.
Iginawad ito ng Asian Volleyball Confederation sa High Speed Hitters upang lumobo pa ang mga kalahok sa AVC Women’s Champions League.
Excited na ang High Speed Hitters sa AVC tournament dahil malaki ang maitutulong nito upnag mas lalo pang mapalakas ang kanilang tropa.
“Happy naman na masama kasi higher level of competition. Maraming matututunan at makukuhang experience,” ani High Speed Hitters head coach Rald Ricafort.
Nakuha ng High Speed Hitters ang spot dahil sa fourth-place finish nito sa elimination round ng PVL All-Filipino Conference.
Nakatakda ang torneo sa Abril 20 hanggang 27 kung saan darating sa bansa ang matitikas na volleyball teams sa asya.
Gaya ng Creamline Cool Smashers at Petro Gazz Angels, inaasahang magiging pukpukan na ang paghahanda ng High Speed Hitters upang masiguro na handang-handa ito para sa AVC event.
Kumpirmado na ang partisipasyon ng Nakhon Ratchasima QminC ng Thailand at VTV Bình Ðien Long An ng Vietnam.
Nakatakda ang drawing of lots ngayong araw.
- Latest