Tolentino out muna sa Choco Mucho
MANILA, Philippines — May panibagong dagok na naman ang Choco Mucho dahil mawawala muna sa lineup si Kat Tolentino sa ginaganap na Premier Volleyball League (PVL) 2025 All-Filipino Conference.
Natuklasan na may ruptured appendix o pamamaga ng appendix si Tolentino base sa statement ng pamunuan ng Flying Titans.
Nalaman ang kalagayan ni Tolentino nang dalhin ito sa ospital dahil sa nararamdaman nitong pananakit ng kanyang tiyan.
“Katrina Tolentino had to be hospitalized for severe abdominal pains,” ayon sa post ng Choco Mucho.
Dahil dito, agad na sumailalim si Tolentino sa operasyon at kasalukuyan nang nagpapahinga.
Nanawagan ang Flying Titans na patuloy na ipanalangin si Tolentino para sa mabilis nitong paggaling.
“Today she was diagnosed with a ruptured appendix and had to undergo surgery this afternoon. She is resting now. Let’s all pray for her quick and full recovery,” ani Tolentino.
Nakapaglaro pa si Tolentino sa laban ng Choco Mucho at Zus Coffee Thunderbelles noong Enero 18.
Nagtala ang opposite spiker ng tatlong puntos para tulungan ang Flying Titans na makuha ang 20-25, 20-25, 25-22, 25-22, 15-9 panalo laban sa Thunderbells.
Malaking kawalan si Tolentino na may kabuuang 79 puntos mula sa 56 attacks, 19 blocks at apat na service aces sa nakalipas na mga laro ng kanilang tropa.
Kababalik lamang ni playmaker Deanna Wong na galing din sa ilang buwan na pahinga dahil sa injury.
- Latest