Cardinals target ang NCAA title
MANILA, Philippines — Ito na ang pagkakataon para wakasan ng Cardinals ang kanilang 33 taong pagkauhaw sa korona.
Bitbit ang 1-0 lead, lalabanan ng Mapua University ang College of St. Benilde ngayong alas-2:30 ng hapon sa Game Two ng NCAA Season 100 men’s basketball championship sa Smart Araneta Coliseum.
Bumanat si reigning MVP Clint Escamis ng game-high 30 points para gabayan ang Cardinals sa 84-73 panalo sa Blazers sa Game One ng kanilang best-of-three titular showdown.
Noong Season 99 ay kinuha rin ng tropa ni coach Randy Alcantara ang 1-0 lead sa NCAA Finals bago agawin ng San Beda Red Lions ang Games Two at Three para kunin ang titulo.
“Siyempre marami akong natutunan since last year,” ani Escamis. “You don’t win a championship in Game One, knowing that from last year. So, job’s not finished. Kailangan lang mas tutukan pa.”
Huling nagkampeon ang Mapua noong 1991 kung saan ipinasok ni Benny Cheng ang game-winning putback laban sa San Beda.
“Kailangan hindi na namin pakawalan ngayon, dapat may fresh legs kami at makapahinga kami kasi of course, hindi iyan ibibigay sa amin nang madali, marami pa kaming dadaanan sa Game Two,” wika ni Alcantara sa St. Benilde.
Determinado ang Blazers na makaresbak sa Cardinals para makadiga ng ‘winner-take-all’ Game Three.
Aam ni mentor Charle Tiu ang kanilang mga naging pagkakamali sa Game One.
Bukod kay Escamis, muli ring aasahan ng Ma-pua sina Chris Hubilla, Cyrus Cuenco at JC Recto laban kina Allen Liwag, Tony Ynot, Justine Sanchez at Gab Cometa ng St. Beniilde.
- Latest