PLDT diniskaril ng Chery Tiggo
MANILA, Philippines — Diniskaril ng Chery Tiggo ang hangad na pagsosolo ng PLDT Home Fibr sa liderato matapos kunin ang 25-12, 25-23, 20-25, 25-22 panalo sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang ikalawang dikit na arangkada ng Crossovers ang nagdikit sa kanila sa High Speed Hitters sa second place sa team standings sa magkatulad nilang 3-1 record.
Pumalo si Ces Robles ng 17 points mula sa 14 attacks at tatlong services aces para banderahan ang Chery Tiggo at nagdagdag sina Ara Galang, Shaya Adorador at Pauline Gaston ng 13, 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Masaya po kami kasi lahat ng pinagtrabahuhan namin the last few days nagawa namin, lahat ng game plan namin, lahat ng sinasabi ng mga coaches and kung ano iyong pag-a-adjust namin sa kalaban,” wika ni Robles.
Naglista si libero Jen Nierva ng 17 excellent digs at 16 excellent receptions na resulta ng pag-aaral niya sa laro ng PLDT.
Pinamunuan ni Fil-Canadian Savi Davison ang High Speed Hitters sa kanyang game-high 27 points buhat sa 24 hits at tatlong blocks at may 13 markers si Erika Santos.
Lumapit ang Crossovers sa pagwalis sa laro matapos ilista ang 2-0 bentahe sa likod nina Robles at Galang.
Bumandera naman si Davison para ibigay sa PLDT ang 25-20 panalo sa third set bago maagaw ng Chery Tiggo ang 23-20 kalamangan sa fourth frame.
Huling nakadikit ang High Speed Hitters sa 22-24 matapos ang service error ni Galang.
Ang crosscourt attack naman ni Adorador ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Crossovers.
- Latest