Bossing binasag ng Road Warriors
MANILA, Philippines — Nang makuha ng NLEX ang kalamangan sa first period ay hindi na nila ito binitawan hanggang sa dulo.
Bumira si import Mike Watkins ng 26 points, habang may 23 markers si Robert Bolick para pamunuan ang Road Warriors sa 107-95 pagbasag sa Blackwater Bossing sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
“His inside presence that gave Blackwater some trouble,” sabi ni coach Jong Uichico sa 6-foot-9 na si Watkins. “It was a matchup problem for them.”
Nag-ambag si Richie Rodger ng 14 points para sa 1-1 baraha ng NLEX.
Naging leksyon para kay Bolick, naglista ng 10 assists, ang nauna nilang kabiguan sa NorthPort.
“Itong game na ito, in-emphasize ni coach na kahit na anong mangyari ituloy n’yo lang iyong kung ano iyong ginagawa namin kung maka-score man kami o hindi,” ani Bolick.
Pinamunuan ni balik-import George King ang Blackwater, bagsak sa 0-2 marka, sa kanyang 40 points kasunod ang 13 markers ni Justin Chua.
Binuksan ng Road Warriors ang laro sa 20-8 bago tapusin ang first half tangay ang 53-46 kalamangan kung saan umiskor si King ng 18 points para sa Bossing.
Huling nakalapit ang Blackwater sa 54-55 hanggang maghulog ang NLEX ng isang 17-4 bomba sa likod nina Watkins at Bolick para ilista ang 72-58 abante sa 4:59 minuto ng third period.
- Latest