Lakers diniskaril ng Thunder sa NBA Cup quarterfinals
LOS ANGELES, Philippines — Nagsalpak si Shai Gilgeous-Alexander ng 36 points, kasama ang 15 sa fourth quarter, para gabayan ang Oklahoma City Thunder sa 101-93 pagdaig sa Lakers sa isang NBA Cup game.
Nag-ambag si Jalen Williams ng 19 points para sa ikaapat na sunod na arangkada ng Oklahoma City (15-4).
Pinamunuan ni Dalton Knecht ang Los Angeles (11-8) sa kanyang 20 points kasama ang limang three-point shots habang may 17 markers si Angelo Russell.
Sa kanilang 2-2 marka ay bigo ang Lakers na makaabante sa quarterfinals matapos pagharian ang inaugural NBA Cup tournament noong nakaraang taon.
May magkakatulad na 2-1 record ang Thunder, Phoenix Suns at San Antonio Spurs sa West Group B.
Sa Minneapolis, tumipa si Anthony Edwards ng 21 points sa 93-92 paglusot ng Minnesota Timberwolves (9-10) sa LA Clippers (12-9).
Sa Chicago, nagposte si Jayson Tatum ng 35 points at 14 rebounds para akayin ang nadedepensang Boston Celtics (16-3) sa 138-129 paggupo sa Bulls (8-13) sa NBA Cup pool game.
Sa Indianapolis, kumolekta si Cade Cunningham ng 24 points at 11 rebounds sa 130-106 pagbugbog ng Detroit Pistons (9-12) sa Indiana Pacers (9-11).
Sa Miami, umiskor si Jimmy Butler ng 26 points at may 23 markers si Tyler Herro sa 121-111 pagtusta ng Heat (9-8) sa Toronto Raptors (5-15).
- Latest