Chameleons nasilaw sa Solar Spikers
MANILA, Philippines — Kumonekta si Heather Guino-O ng 21 points mula sa 19 attacks at dalawang blocks para akayin ang Capital1 Solar Energy sa 21-25, 25-21, 25-15, 25-18 pagdaig sa Nxled sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sumampa sa win column ang Solar Spikers sa kanilang 1-3 record at inihulog ang Chameleons, hindi pa rin pinaglaro si EJ Laure, sa 0-4.
Nag-ambag si rookie Leila Cruz ng 17 markers galing 16 attacks at isang block, habang may 10 points si veteran Patty Orendain at naglista si Iris Tonelada ng 18 excellent sets bukod sa 5 points.
Si Chiara Permentilla lamang ang naglista ng double figures para sa Nxled sa kanyang 23 points mula sa 20 attacks, dalawang service ace at isang block.
Sa pangunguna ni Permentilla ay kinuha ng Nxled ang first set, 25-21, kasunod ang pagbangon ng Solar Spikers sa pamumuno ni Guino-O para makatabla sa second frame.
Tampok dito ang pagbangon ng Capital1 mula sa 14-20 pagkakaiwan sa Nxled para agawin ang 22-20 kalamangan patungo sa 25-21 panalo.
Itinuloy ng Solar Spikers ang ratsada sa third set patungo sa pagdispatsa sa Chameleons sa fourth frame tampok ang sumelyong hataw ni Cruz.
- Latest