Road Warriors nagpatibay sa quarters
MANILA, Philippines — Pinigilan ng NLEX ang apat na dikit na kamalasan para makasilip ng pag-asa sa eight-team quarterfinals cast ng PBA Season 49 Governors’ Cup.
Sinagasaan ng Road Warriors ang talsik nang Phoenix Fuel Masters, 104-79, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumanat si import DeQuan Jones ng 27 points at may 19, 14 at 10 markers sina Robert Bolick, Baser Amer at Enoch Valdez, ayon sa pagkakasunod.
Pinaganda ng NLEX ang kanilang record sa 4-5 para makauna sa Blackwater (3-5) sa agawan nila sa No. 4 berth sa Group B.
“Alam naman nila kung gaano kaimportante ‘yung laro ngayon para sa amin. Pero hindi pa naman kami automatic na papasok. Siyempre, depende rin sa Blackwater,” sabi ni coach Jong Uichico
Matapos talunin ang TNT Tropang Giga (7-2) ay bumagsak ang Phoenix sa 1-9.
Kaagad kumawala ang Road Warriors sa pagtatala ng 54-37 halftime lead.
Isinara nila ang third period bitbit ang 83-55 bentahe, habang ang three-point shot ni Robbie Herndon ang nagbaon sa Phoenix sa 94-61 sa 6:30 minuto ng fourth quarter.
Sapat na ito para sa panalo ng NLEX na lalabanan ang Barangay Ginebra (6-3) bukas.
Samantala, haharapin ng Blackwater (3-5) ang San Miguel (6-3) ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng Meralco at sibak nang Terrafirma (1-8) sa alas-7:30 ng gabi.
Kailangang manalo ng Bossing sa Beermen at kontra sa Rain or Shine Elasto Painters (6-2) sa Lunes para makasama sa crossover quarterfinals.
Laglag ang Blackwater sa two-game losing skid, habang nabigo ang San Miguel sa Rain or Shine, 112-122.
- Latest