Biktima ng human trafficking naharang sa NAIA
MANILA, Philippines — Pinigil ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, ang isang babaeng biyahero nang madiskubreng gumagamit ng pekeng departure stamp.
Ang pagharang ay bahagi ng pagsisikap ng BI na labanan ang human trafficking, alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na protektahan ang mga manggagawa mula sa pagsasamantala.
Ibinahagi ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), na ipinakita ng 37-anyos na biktima ang kanyang sarili bilang isang turista patungo sa Netherlands.
Subalit sa pagpapakita ng kanyang pasaporte para sa inspeksyon, napansin ng mga opisyal ang kahina-hinalang immigration clearance stamp sa kanyang pasaporte.
Sa pag-verify sa forensic documents laboratory ng BI, kinumpirma nila na peke nga ang nasabing selyo.
Sinabi ng babae na humingi siya ng serbisyo sa isang fixer na nakilala niya sa lobby ng NAIA 3, na nag-alok sa kanya ng tulong sa imigrasyon. Aniya, hiniling sa kanya ng fixer na isumite ang kanyang pasaporte at makipagkita sa isa pang kasamahan na nakasuot ng puting sando at face mask.
Pagkatapos ay ibinalik ng fixer ang pasaporte ng biktima at hiniling na maghintay sa pasukan para sa dapat umanong escort. Ayon dito, naghintay siya ng 45 minutes pero walang lumapit sa kanya.
Binalaan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga biktima na huwag mahulog sa mga alok ng nasabing fixers.
- Latest