PBA balik-aksyon ngayon sa big dome
MANILA, Philippines — Magbabalik ang hostilidad sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup tampok ang dalawang biga-ting laro sa Smart Araneta Coliseum.
Magsusukatan ang magkapatid na Barangay Ginebra at San Miguel ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang upakan ng guest team Eastern Hong Kong at Meralco sa alas-5 ng hapon sa Big Dome.
Target ng Gin Kings ang ikalawang sunod na ratsada para mapaganda ang kanilang 4-2 kartada habang magpipilit makabangon ang Beermen mula sa kabiguan para maitaas ang 3-3 marka nila.
Itinagay ng Ginebra ang 95-92 come-from-behind win sa Magnolia kung saan sila bumangon mula sa isang 22-point deficit tampok ang buzzer-beating three-point shot ni MVP Scottie Thompson sa kanilang ‘Christmas Clasico’.”
“Winning like that on a day like Christmas made it extra special,” ani import Justin Brownlee. “A couple Christmases ago we got beat by 20 plus points by the same team so I’m happy for the guys and the fans.”
Nakalasap naman ang San Miguel ng 91-99 pagkatalo sa Eastern sa huli nilang laban at inaasahang magpipilit makabawi.
Makakatapat ni Brownlee si SMB reinforcement Jabari Narcis na pumalit kay Torren Jones.
“Kitang-kita naman he’s still adjusting. He doesn’t know yet the system and what kind of plays we do because we can’t teach everything in two days,” ani coach Leo Austria kay Narcis na naglista ng team-high 28 points at 10 rebounds sa kanyang PBA debut sa pagyukod ng Beermen sa Hong Kong squad.
Samantala, ang back-to-back wins ang target ng Eastern (6-2) sa pagsagupa sa Bolts (3-2) na nasa isang two-game losing skid.
Nilasing ng Hong Kong team ang Beermen, 99-91 habang nakuryente ang Bolts sa Converge FiberXers, 94-110, sa kanilang mga huling asignatura.
- Latest