Record ni Jordan winasak ni James
LOS ANGELES — Umiskor si LeBron James ng 30 points para banderahan ang Lakers sa 119-102 pagpapabagsak sa Atlanta Hawks.
Ipinasok ni James ang isang 18-foot jumper sa 5:58 minuto ng fourth quarter para sa kanyang ika-563 na 30-point game sa 22-year career niya at burahin ang NBA record ni Michael Jordan (562) noong 2003.
Ito rin ang ika-1,523 career regular-season game ng 40-anyos na si James para ungusan si Dirk Nowitzki (1,522) sa fourth place sa NBA history.
Nagdagdag si Austin Reaves ng 20 points habang humakot si Anthony Davis ng 18 points at 19 rebounds para sa Los Angeles (20-14) na umakyat sa fourth place sa Western Conference.
Bumanat si Trae Young ng 33 points para sa ikalawang sunod na kabiguan ng Atlanta (18-17).
Sa Dallas, nagkuwintas si Evan Mobley ng 34 points at 10 rebounds para banderahan ang Cleveland Cavaliers (30-4) sa 134-122 pagpapatumba sa Mavericks (20-15).
Sa Houston, tumipa si Derrick White ng 23 points at may tig-20 markers sina Jayson Tatum at Payton Pritchard sa 109-86 paggupo ng nagdedepensang Boston Celtics (26-9) sa Rockets (22-12).
Sa Denver, humakot si Victor Wembanyama ng 35 points at 18 rebounds sa 113-110 pagtakas ng San Antonio Spurs (18-16) sa Nuggets (19-14).
- Latest