Miyembro ng ‘Luffy’ arestado sa BI

MANILA, Philippines — Inaresto nitong Biyernes ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Japanese na pinaghihinalaang miyembro ng kilalang “Luffy” gang na iniugnay sa maraming kaso ng pagnanakaw at pandaraya sa kanyang bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na inaresto ng grupo ng mga ahente mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI si Natsuki Kimura, 33, sa kahabaan ng Ayala Avenue sa Makati City.
Ayon kay Viado, si Kimura ay nahuli sa bisaya ng isang warrant na inisyu ng board of commissioners ng bureau noong Marso 2023 na nag-utos sa kanyang deportasyon sa Japan dahil sa pagiging isang hindi kanais-nais na dayuhan.
Si Kimura ay isa sa pinaghihinalaang miyembro ng Luffy gang na inaresto ng BI mula nang ang kanilang presensya dito ay iniulat ng gobyerno ng Japan sa bureau.
“Tulad ng kanyang mga kasabwat sa sindikato, siya rin ay ide-deport, i-blacklist at ipagbabawal na pumasok muli sa Pilipinas,” sabi ni Viado, at idinagdag na ang babae ay ilipad pabalik sa Japan sa sandaling makuha ang mga kinakailangang clearance at tiket sa eroplano para sa kanyang pag-alis.
Siya at ang kanyang kasabwat ay inakusahan ng pagnanakaw ng mga ATM card sa pamamagitan ng maling pagpapanggap bilang mga pulis upang linlangin ang kanilang mga biktima na isuko ang kanilang mga card at iba pang personal na impormasyon.
Nagtrabaho umano siya bilang telephone operator para sa Luffy syndicate para sa international scamming operations nito.
Si Kimura ay nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportasyon.
- Latest