Alice at Shiela Guo magsasama sa kulungan sa Senado
MANILA, Philippines — Makakasama ni dating Bamban mayor Alice Guo sa detention facility sa Senado ang sinasabi nitong kapatid na si Shiela Guo.
Ayon kay Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) chief retired Lt. Gen. Roberto Ancan, dadaan muna si Alice sa Bureau of Immigration (BI) pagkatapos ay ililipat sa National Bureau of Investigation (NBI) saka dadalhin sa Senado.
Tiniyak din ni Ancan ang kaligtasan ng napatalsik na mayor. Sa ngayon aniya ay wala naman silang nakikitang banta kay Alice kaya hindi na kailangan pang dagdagan ng tauhan para magbantay sa magkapatid na Guo.
Una nang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na makukulong muna sa Senado si Alice Guo matapos maproseso ng NBI at BI sa sandaling dumating sa Pilipinas. Ang Senado lamang ang may standing warrant laban kay Guo kaya sa Senado ito dadalhin katulad nang ginawa kay Shiela.
Sinabi naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, mapapanagot na si Guo sa batas at inaasahang makakapagbigay ng linaw sa ilegal na operasyon ng POGO. Nahaharap si Guo sa iba’t ibang kaso kabilang na ang quo warranto petition, tax evasion, at human trafficking.
- Latest