4 drug suspects, tiklo sa P3.4 milyong halaga ng shabu
MANILA, Philippines — Apat na drug suspects ang inaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng tinatayang aabot sa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Sampaloc, Manila kamakalawa.
Kinilala lamang ang mga suspek na sina alyas ‘Tisoy’; alyas ‘Moy-Moy, na isa umanong drug pusher at itinuturing na high value individual (HVI); alyas ‘JM’, na isa umanong HVI at drug pusher at alyas ‘Loloy,’ pawang residente ng Sampaloc, Manila.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-9:10 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Sampaloc Police Station 4 (PS-4) ang mga suspek sa ikinasa nilang buy-bust operation sa Makiling St., malapit sa kanto ng Craig St., sa Sampaloc.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t nagkasa ng buy-bust.
Nang magpositibo ang transaksiyon ay kaagad na ring dinakip ng mga pulis ang mga suspek.
Nakumpiska mula sa kanila ang tinatayang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon at buy-bust money.
Nakapiit na ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest