COVID task force kay Pangulong Marcos: ‘Di na kailangang ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask
MANILA, Philippines — “Hindi na kailangang ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask.”
Ito ang inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, nagsumite ng rekomendasyon kay Marcos ang IATF na hindi na kailangang ibalik ang mandatory o sapilitan ang face mask.
“Ang Kagawaran ng Kalusugan at iba pang miyembro ng IATF ay nakapagpasa na po ng rekomendasyon sa ating Pangulo tungkol sa hindi pagbabalik ng mga restriction katulad ng mandatory masking at pagsuot na lamang nito sa mga at-risk nating mga kababayan at sa high-risk na sitwasyon,” aniya sa isang press briefing.
Sinabi ni Marcos Jr. nitong weekend na maaaring muling ipatupad ng gobyerno ang mandatory masking kasunod ng pagtaas ng mga impeksyon sa coronavirus.
Nilinaw pa ni Vergeire ang pagpupulong ng IATF noong nakaraang linggo, kung saan kasama ang mga natalakay sa pandemic exit plan ng bansa.
Matatandaan na ang pagsusuot ng face mask ay naging boluntaryo sa indoor setting at outdoor setting noong Oktubre.
Pero, nanatiling mandatory ang face mask sa mga healthcare facilities at public transportation.
Iniulat ng ABS-CBN na nadagdagan ang Pilipinas ng 4,456 na kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo at tumaas ng 42 porsiyento ang pang-araw-araw na average ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Nagtala ang bansa ng 4,456 na impeksyon sa coronavirus mula Abril 24 hanggang 30 o isang average ng 637 araw-araw na kaso.
- Latest