Lady Blazers reresbak sa Lady Red Spikers
MANILA, Philippines — Paniguradong ibubuhos ng defending champion College of Saint Benilde ang kanilang galit sa San Beda University na makakalaban nila ngayong araw sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament 1st round elims na lalaruin sa Arellano University Gym sa Manila.
Sa alas-11 ng umaga magsisimula ang paluan ng bola ng Lady Blazers at Lady Red Spikers sunod ang bakbakan sa pagitan ng Mapua University at Emilio Aguinaldo College sa ala-1 ng hapon.
Natuldukan ang historic 43-game winning streak ng Taft-based squad noong Sabado matapos nilang yumuko sa Letran, 22-25, 23-25, 24-26 na ginanap sa Lyceum of the Philippines Gym.
Nalasap tuloy ng Lady Blazers ang unang talo sa apat na laro kaya pakay nilang bumangon agad upang makalapit ulit sa tuktok at manatiling malakas ang tsansa sa dinedepensahang titulo.
Inaasahang huhugot ng lakas ang Lady Blazers kina Wielyn Estoque, Francis Mycah Go, Clydel Mae Catarig, Zamantha Nolasco at Jessa Dorog.
Subalit tiyak na mapapahirapan ang CSB na makuha ang panalo kahit pinuputakte ng kamalasan ang San Beda.
Ito’y dahil uhaw sa panalo ang SBU, bokya pa rin sila sa unang apat na laro.
Kakapitan ng Lady Red Spikers sa opensa sina Erin Feliz Navarro, Rianne Margaret Bedural, Katleya Jewel Molina at Janelle Bachar para masikwat ang inaasam na unang panalo ngayong season.
- Latest