McCullough hinugot ng SGA
MANILA, Philippines — Mas lalo pang nagpa-lakas ang Strong Group Athletics matapos idagdag sa listahan si San Miguel Beer reinforcement Chris McCullough para sa 34th Dubai International Basketball Championship.
Papalitan ni McCullough si Terry Larrier para sa Dubai meet na hahataw sa Biyernes sa United Arab Emirates.
“Thankful he decided to play for us again. He just wanted to hoop. To be honest, he was the one who found ways to get permission to play for us, and it says a lot about him wanting to play for the Philippines,” ani SGA coach Charles Tiu.
Naging import na rin ng SGA si McCullough sa nakalipas na mga torneo kaya naman hindi na ito mahihirapan pa sa adjustments.
Kasama ng SGA si McCullough nang masungkit nito ang kampeonato sa William Jones Cup noong nakaraang taon kung saan itinanghal pa itong Most Valuable Player.
Nagtala si McCullough ng averages na 21.1 points, 8.1 rebounds, 2.8 assists, 1.6 steals at 1.1 blocks kada laro sa Jones Cup.
Kaya naman umaasa ang SGA na masusungkit na nito ang korona sa taong ito sa Dubai matapos magkasya sa runner-up noong nakaraang taon.
Matatandaang binanderahan nina NBA star Dwight Howard, Andre Roberson at McKenzie Moore ang SGA noong 2024 ngunit natalo ito sa Al-Riyadi sa finals.
Pasok din sa SGA sina NBA star big man Demarcus Cousins at Malachi Richardson, at dating Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche.
- Latest