Colonia, Inan wagi ng ginto sa IWF tourney
MANILA, Philippines — Bumuhat ng mga gintong medalya sina Angeline Colonia at Lovely Inan sa International Weightlifting Federation (IWF) World Junior Championship sa Leon, Spain.
Inangkin ni Colonia ang gold sa snatch at total lift ng women’s 45 kilogram class, habang wagi si Inan sa total lift sa women’s 49kg division.
Naglista ang 18-anyos na si Colonia ng 74kg sa snatch at 162kg sa total lift para ungusan sina Khemika Kamnoedsri ng Thailand (160kg) at Ioana Madalina Miron ng South Africa (154kg).
Sinira ni Colonia ang kanyang dating personal best na 152kg.
Kumuha rin ang 2023 Cambodia Southeast Asian Games silver medalist ng pilak sa clean and jerk (88kg).
Tinalo naman ni Inan si Inan si Karoll Dahyanne Lopez Alvarez sa kanyang total lift na 179kg kumpara sa 178kg ng Colombian sa women’s 49kg class.
May ginto rin si Inan sa clean and jerk (100kg) at silver sa snatch (79kg).
Sina Colonia at Inan ang inaasahang magiging miyembro ng tropang isasabak sa 2025 SEA Games sa Thailand.
- Latest