‘Battle of Intramuros’ ng Letran at Mapua
MANILA, Philippines — Magtutuos ang Letran College at ang Mapua University para sa tinaguriang ‘Battle of Intramuros’ sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
At papagitna sa giyera si Pao Javillonar na nagpakondisyon nang husto para makasabay sa sistema ni bagong Letran coach Allen Ricardo.
Humataw ang graduating big man ng career-high 28 points, 8 rebounds, 2 steals at 2 blocks sa 86-79 pagtusok ng Knights sa Arellano Chiefs noong Martes.
“Off-season so bagong coach, bagong sistema and nakita ninyo ‘yung build ko dati, nagpapayat ako kasi dapat mag-fit ako sa system,” ani Javillonar na nagmula sa isang two-game suspension dahil sa paglalaro sa isang mini tournament sa Davao City noong Hulyo.
Muling gagabayan ni Javillonar ang Letran sa pagsagupa sa Mapua ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang laban ng Arellano at Lyceum sa alas-12 ng tanghali sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nangunguna ang St. Benilde Blazers bitbit ang 4-0 record kasunod ang Knights (2-1), Cardinals (2-1), nagdedepensang San Beda Red Lions (2-2), Perpetual Altas (2-2), San Sebastian Stags (2-2), EAC Generals (2-2), Pirates (1-2), Jose Rizal Heavy Bombers (1-2) at Chiefs (0-3).
Bago talunin ang Arellano ay pinatumba muna ng Letran ang Jose Rizal, 70-66.
Umiskor naman ang Mapua ng 71-65 panalo sa Perpetual sa likod ng 28 points, 3 steals at 2 assists ni Clint Escamis.
Kagaya ng Knights, nagpakalbo rin ang mga Cardinals bilang pagpapakita ng pagkakaisa, ani Escamis.
- Latest