Hodge, Tenorio, Sangalang pararangalan ng PBAPC
MANILA, Philippines — Magiging bahagi sina veterans LA Tenorio, Ian Sangalang at Cliff Hodge ng honor roll na pararangalan ng PBA Press Corps sa 30th Awards Night sa Setyembre 24 sa Novotel Manila Araneta City.
Ibibigay kay Hodge ang Defensive Player of the Year award, habang igagawad kina Tenorio at Sangalang ang Bogs Adornado Comeback Player of the Year trophy ng mga sportswriters na regular na nagkokober ng PBA beat.
Magsisimula ang event sa alas-7:30 ng gabi at inihahandog ng Cignal.
Humakot ang 36-anyos na si Hodge ng mga averages na 9.6 points, 5.3 rebounds at 3.2 assists para sa kampanya ng Meralco sa nakaraang Season 48.
Si Hodge, naglaro sa Bolts simula noong 2012 bilang No. 4 overall, ang isa sa mga naging susi sa panalo ng Meralco kontra sa San Miguel sa nakaraang Philippine Cup finals.
Isasama ang pangalan ni Hodge kina Marc Pingris, Chris Jackson, Arwind Santos, Freddie Abuda, Chris Ross, June Mar Fajardo at iba pa bilang PBAPC Defensive Player of the Year.
Pararangalan naman sina Tenorio ng Ginebra at Sangalang ng Magnolia dahil sa kanilang matagumpay na pagbabalik sa liga matapos magkaroon ng career-threatening illnesses.
Nagkaroon si Sangalang ng hyperthyroidism at hindi nakalaro para sa Hotshots sa Season 47.
Inihayag naman ni Tenorio na mayroon siyang stage three colon cancer at nawala sa Season 47 Governors’ Cup na tumapos sa kanyang league record na 744 sunod na paglalaro.
Ngunit matapos ang mahabang gamutan ay muling nakabalik sina Sangalang at Tenorio para sa kanilang mga koponan.
- Latest